INDANG, Cavite. Patay ang isang barangay kagawad sa Brgy. Tambo Kulit, sa bayang ito matapos aksidenteng maputukan habang nilalaro ang isang baril na nakatutok sa kanyang bibig. Kinilala ang biktima na si John Bonne Noel, isang incumbent barangay kagawad sa naturang lugar.
Ayon sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente bandang alas-7:35 ng gabi habang nakikipag-inuman si Noel sa kanyang mga kaibigan sa isang piyesta malapit sa kanilang lugar. Dahil sa kalasingan at dami ng nainom, inilabas ni Noel ang kanyang caliber .45 na baril upang ipakita sa mga kainuman. Inalis pa niya ang magazine ng baril at itinutok ito sa kanyang bibig. Sa kasamaang palad, aksidenteng nakalabit ni Noel ang gatilyo, na naging sanhi ng kanyang agarang pagkamatay.
Sa takot, mabilis na nagtakbuhan palayo ang mga kainuman ni Noel. Isinugod agad siya sa Poblete Hospital, ngunit idineklara na itong patay na pagdating doon.
Sa kasalukuyan, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente. Sinasabing tinitingnan din nila kung may kaukulang papeles ang baril na ginamit ni Noel.
Magsilbing babala sana ang insidenteng ito sa lahat ng mga gun owner na laging mag-ingat at huwag basta-basta maglaro ng baril, lalo na kung nasa ilalim ng impluwensya ng alak.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.