Barangay kagawad sa Cavite, arestado matapos pagbabarilin ang magulang ng kanyang live-in partner

0
479

Gen. Emilio Aguinaldo, Cavite. Dinakip ang isang kagawad ng barangay sa bayang ito matapos niyang pagbabarilin ang mga magulang ng kanyang live-in partner.

Kinilala ni PLT Rizal E. Espiritu, hepe ng Gen. Emilio Aguinaldo Municipal Police Station ang suspek na si Arnel Mendoza, kagawad ng barangay ng Brgy. Batas Dao, nabanggit na bayan. 

Kinilala naman ang mga biktima na sina Nellie Garcia at Rogelio Borlagdan, mag asawa na pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Ayon sa ulat ng Espiritu, bandang tanghali kahapon, nakatanggap sila ng tawag sa isang nagngangalang Jamaica Garcia na nagsumbong na ang kanyang mga magulang ay binaril ng kanyang live-in partner. 

Agad na sumaklolo ang mga pulis at dinakip ang namaril na barangay kagawad. Nakuha sa kanya ang .45 baril na pinaniniwalaang ginamit sa krimen.

Ang mag asawang biktima ay nagtamo ng tama ng kalibre .45 sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan na nagsanhi ng agad nilang pagkamatay.

Batay sa paunang imbestigasyon, diumano ay nalaman ng mga napatay na minomolestiya ng suspek ang anak nilang bunso na kapatid ng live-in partner nito. Ikinagalit ng kagawad ang naganap na komprontasyon na naging motibo ng kanyang pamamaril.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.