Barilan sa campaign sortie: Kapitan at kandidato sa SB patay sa Abra

0
77

LAGANGILANG, ABRA. Nauwi sa trahedya ang isang campaign sortie sa Barangay Nagtupacan, Lagangilang, Abra nitong Lunes ng gabi, matapos masawi ang dalawang personalidad na kabilang sa magkahiwalay na political groups — isang barangay chairman at isang kandidato sa Sangguniang Bayan.

Kinilala ng pulisya ang mga nasawi na sina Barangay Chairman Lou Salvador Claro, 57-anyos, at SB candidate Manzano Bersalona Agdalpen.

Batay sa imbestigasyon ng Lagangilang Municipal Police Station, bandang alas-6:50 ng gabi ay kasalukuyang nangangampanya si Agdalpen kasama ang kanyang mga kasamahan sa “Team ASENSO” nang bigla niyang suntukin si Rommel Apolinar, na umano’y nakatayo lamang malapit sa kanilang grupo.

Dahil dito, agad na umalis si Apolinar at nagtungo kay Chairman Claro, isang retiradong pulis at kilalang kaalyado ng “Team PROGRESO” nina incumbent Abra Representative Menchie Bernos at gubernatorial bet Eustaquio Bersamin, upang isumbong ang insidente.

Kaagad namang nagtungo si Chairman Claro kasama si Apolinar sa lugar upang “pahupain” ang tensyon, ayon sa ulat ng pulisya. Subalit sa halip na humupa ang gulo, muling sinuntok umano ni Agdalpen si Apolinar sa mukha. Gumanti ng suntok si Apolinar at sa gitna ng komosyon, tinulak umano ni Agdalpen si Chairman Claro na umaawat, at saka ito binaril gamit ang baril na kanyang dala.

Nang tamaan ng bala si Chairman Claro, isang hindi pa nakikilalang suspek ang agad namang bumaril kay Agdalpen.

Mabilis na isinugod si Agdalpen sa Abra Provincial Hospital habang dinala si Chairman Claro sa Seares Hospital sa Bangued. Ngunit parehong idineklara silang dead-on-arrival sa kanilang pagdating sa ospital.

Naging kontrobersyal ang insidente lalo na’t magkalaban sa politika ang mga sangkot. Si Agdalpen ay miyembro ng “Team ASENSO” habang si Chairman Claro ay kaalyado ng “Team PROGRESO”.

Iniulat ng pulisya na may halos isang oras bago naiparating sa kanila ang insidente.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang hindi pa nakikilalang suspek na bumaril kay Agdalpen, at upang alamin kung may kinalaman sa pulitika ang motibo ng pamamaril.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.