Barko ng Pilipinas, hinabol, binangga, at binomba ng tubig ng Chinese Coast Guard sa Sabina Shoal

0
127

MAYNILA. Hinabol, binangga, at binomba ng tubig ng mga barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang BRP Datu Sanday ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kahapon ng umaga, sa isang insidente na naganap malapit sa Sabina Shoal.

Ayon sa ulat, bandang alas-10:30 ng umaga nang harangin ng mga Chinese vessels ang Philippine vessel na nasa 10 nautical miles mula sa Sabina Shoal. Sa kabila ng agresibong aksyon ng mga Chinese vessels, patuloy lamang sa kanilang misyon ang BRP Datu Sanday.

Gayunpaman, bandang 2:00 ng hapon, sinimulang gitgitin at banggain ng CCG ang BRP Datu Sanday ng higit limang beses. Ang mga barkong CCG 3104, 4102, 21555, 21551, kasama ang ilang militia vessels, ay pinalibutan ang BRP Datu Sanday at sabay-sabay na inatake gamit ang water cannon. Ang target ng mga ito ay ang navigational equipment ng nasabing barko ng BFAR.

Matatandaan na ang CCG 21551 rin ang bumangga sa BRP Bagacay noong Lunes ng madaling araw, na nagresulta sa pagkakaroon ng malaking butas sa barko. Patuloy na pinaiigting ang tensyon sa lugar habang binabantayan ang mga susunod na hakbang ng magkabilang panig.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.