Basketball game nauwi sa trahedya: 1 patay, 1 sugatan

0
1012

SAN PEDRO CITY, Laguna. Isang malungkot na pangyayari ang naganap matapos ang alitan sa isang laro ng basketball, kung saan isang manlalaro ang napatay at isa ang nasugatan sa Brgy. Maharlika, sa lungsod na ito sa Laguna noong Biyernes ng gabi.

Kinilala ang namatay na biktima na si Mark Adriel Sarmiento, na idineklarang dead-on-arrival sa Narra Hospital dahil sa malalim na saksak sa kanyang dibdib. Samantala, nagtamo naman ng saksak sa ulo ang kanyang kaibigan na si John David Gesco, na kasalukuyang nilalapatan ng lunas.

Ayon sa ulat ng Laguna Police, naganap ang insidente bandang alas-9 ng gabi.

Batay sa imbestigasyon, naglaro ng basketball ang mga biktima kasama ang mga suspek na hindi pa naman nairereport ang mga pangalan. Ngunit nagkaroon sila ng alitan na nauwi sa pagtatalo, na nagresulta sa paghinto ng kanilang laro.

Sa pagpapasya ng dalawang biktima na umuwi na lamang, sinundan sila ng kanilang mga nakaaway sa laro at habang daan ay bigla na lamang silang pinagsasaksak ng mga ito.

Habang ang mga biktima ay duguang bumagsak, nagkagulo ang mga tao sa lugar na sinamantala ng suspek sa kanilang pagtakas.

Hindi na umabot ng buhay sa ospital si Sarmiento.

Patuloy ang pagsasagawa ng follow-up investigations at operasyon ng mga awtoridad upang madakip ang mga suspek sa kasong ito.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.