Basura Buster game app, inilunsad ng DENR

0
379

Maynila. Naglunsad ng mobile gaming app na “Basura Buster” ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) bilang alternatibong kasangkapan sa pagsasanay sa tamang waste segregation. Ang app ay idinesenyo para sa mga batang mula 5 hanggang 8 taong gulang.

Ang bagong game app ay isang proyekto ng DENR sa ilalim ng Solid Waste Management Advocacy Campaign na naglalayong magtanim ng higit na mabuting environment behavior sa mga Pilipino. Sa pamamagitan ng nabanggit na kampanya, ilalahok ng DENR ang mga kabataan sa pangangalaga ng kapaligiran sa pamamagitan ng pagpapalakas ng tulungan at kolaborasyon, teknolohiya, impormasyon, edukasyon at komunikasyon.

“Amidst the pandemic, solid waste management is undoubtedly one of the biggest challenges in our country today. And as technology is evidently valuable in the education of children, we have created this educational game app to build a firm foundation on managing solid waste while they are still young,” ayon kay DENR Secretary Roy A. Cimatu.

Inaanyayahan ni Cimatu ang mga magulang at mga bata na mag download at mag install ng Basura Buster app sa kanilang mga telepono at tablets. Sa pamamagitan aniya ng app na ito ay umaasa ang DENR na maipapakalat ang kamulatan, mababago ang gawi, at matututo ang mga bata ng kaalaman sa pangangalaga sa kapaligiran kahit sila ay nasa bahay lamang, dagdag pa ni Cimatu.

Ang Basura Buster ay maaaring makuha ng libre sa Google Play Store. Ang laro ay isang simpleng drag and drop game kung saan ay ilalagay ng gamer ang mga nalalaglag na basura sa tamang trash bin — berde para sa biodegradable waste, itim para sa residual, bughaw para recyclable, at dilaw para sa household healthcare.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.