Bata naglaro ng apoy: Kutson sinindihan, 4 na bahay nasunog

0
215

ROSARIO, Cavite. Apat na kabahayan ang nasunog habang isa ang sugatan nang sumiklab ang malaking sunog dahil sa paglalaro ng apoy ng isang bata sa kanilang tahanan at sinindihan ang kanilang higaang foam kahapon ng umaga sa Brgy. Silangan 1, bayang ito.

Sa nakalap na ulat mula sa Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) ng Rosario, 11:00 ng umaga nang magsimula ang sunog sa bahay ni Delia Lumaguo, matapos paglaruan ng anak nitong maliit ang posporo at sindihan ang foam na kanilang hinihigaan.

Dahil sa mabilis na nilamon ng apoy ang nasabing foam, madaling kumalat ang sunog hanggang sa masunog ang magkakatabing bahay nina Arlene Saliling, Noel Sigura at Joan Dionas.

Nabatid na tumagal ng mahigit sa isang oras ang sunog bago ito tuluyang naapula ng mga rumespondeng bumbero.

Isang residente na nakilalang si Jan Jan Narcedo ang nasugatan sa insidente matapos na mahiwa ang kanang paa nito sa isang malaking yero habang mabilis na naghahakot ng kanilang mga gamit.

Kasalukuyang nasa Barangay Hall ng Brgy. Silangan 1 na ginamit na evacuation site, ang mga pamilyang apektado ng sunog.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.