LAS PIÑAS CITY. Nasagip na ng mga awtoridad ang batang babae na naging viral sa social media matapos mamalimos habang may hawak na balisong sa kanto ng Alabang-Zapote Road at Diego Cera Avenue sa Las Piñas City.
Ayon kay PCol. Sandro Jay Tafalla, hepe ng Las Piñas City Police, agad nilang inaksyunan ang insidente at nailigtas ang bata. “So, immediately nga, itong batang ito ay ni-rescue… nasa pangangalaga na sila ng City Social Welfare and Development,” ani Tafalla.
Nakipag-ugnayan na rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa lokal na pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng bata. Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, “Unfortunately, supposedly the mother of the minor is a drug dependent. So hindi niya talaga naaalagaan yung bata.”
Dadaan muna sa masusing pagsusuri ng mga social worker ng lokal na pamahalaan ang bata bago ito mailipat sa pangangalaga ng DSWD. “Sa ngayong punto na ito, walang kapasidad yung magulang… So the state has to come in. We will make sure na ma-rehabilitate, ma-iayos bago natin siya ibalik sa community,” dagdag ni Gatchalian.
Samantala, bilang tugon sa insidente, magpapatupad ang mga awtoridad ng curfew sa lugar at magdaragdag ng presensiya ng pulisya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






