Batas na magbibigay benepisyo at seguridad sa barangay nutrition scholars, ipinasa ni Cong. Amante

0
519

MAYNILA. Inaprubahan at isinulong sa Kongreso ni Cong. Loreto “Amben” Amante ng Ikatlong Distrito ng Laguna ang House Bill No. 3500, o ang panukalang “An Act Granting Monthly Honorarium, Civil Service Eligibility and Security of Tenure to Every Barangay Nutrition Scholar (BNS), Amending PD 1569.” Layunin nitong bigyang benepisyo at proteksyon ang posisyon ng mga BNS sa barangay upang mas mapalakas ang kampanya laban sa malnutrisyon.

Bilang background, ang Presidential Decree No. 1569 (1978) ang nagtatag ng programa ng Barangay Nutrition Scholars, kung saan isang edukado at sinanay na boluntaryong tagapaglingkod sa nutrition at kalusugan ang naka-assign sa bawat barangay. Bagama’t sila ay may mahalagang papel, limitado pa rin ang kanilang benepisyo at seguridad sa trabaho.

Ang panukala ni Cong. Amante ay naghahangad magbigay ng buwanang honorarium, civil service eligibility at security of tenure para sa lahat ng BNS sa bansa. Nilalayon din nitong kilalanin ang dedikasyon ng mga BNS at tiyakin na hindi sila madaling mapalitan dahil lamang sa pagbabago ng lokal na pamunuan.

Ayon sa datos noong 2019, 28.8% ng mga batang wala pang limang taon sa bansa ay stunted, 19% ang underweight, at 6% ang wasting. Sa ilang rehiyon gaya ng BARMM (45%), MIMAROPA (41%), Bicol (40%), Western Visayas (40%) at SOCCKSARGEN (40%), mas mataas pa ang stunting rate. Itinuturing ng World Health Organization na “very high” public health significance ang stunting rate sa Pilipinas, na pumapangalima sa East Asia at Pacific Region at kabilang sa top 10 sa buong mundo.

Ayon kay Cong. Amante, ang pagkakaloob ng mga benepisyong ito ay magbibigay ng mas matatag at mas epektibong frontline workers sa laban kontra malnutrisyon. Ang panukalang batas ay nakikitang mahalagang hakbang upang mapabuti ang kalusugan ng kabataan at mapalakas ang pundasyon ng ekonomiya sa pamamagitan ng mas maayos na nutrisyon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.