“I am a voter and I want to know exactly every inch of ground you stand upon — I want to know for I want to vote for the right kind of a man — If you suit me I’ll go for you — If not away with you!!” Sulat ni Thomas T. Swan kay Abraham Lincoln noong Hunyo 15, 1860
Pabor ako sa sinabi ng Comelec na babala ng panganib sa mga botante ang hindi pagdalo ng mga aspirante sa 2022 elections sa mga leader’s debate. Paano nga naman nating mapupulsuhan ang mga naghahangad na mamuno sa susunod na anim na taon kung hindi natin maririnig ang tono ng kanilang mga political opinion at public policy proposals. Paano maitutuwid ang mga kritisismo tungkol sa kanila?
Noong panahon ng mga statesman, iniimprenta pa ng mga kandidato ang teksto ng mga debate na kanilang sinalihan at ipinamamahagi sa mga botante na hindi nakapanood ng diskurso. Ito yung panahon na ang pagtakbo sa pulitika ay isang seryosong bokasyon na maglingkod.
Napapaisip tuloy ako kung bakit pinalalampas ni Marcos, Jr. ang mga pagkakataon na makapag paliwanag siya tungkol sa isang damakmak na alegasyon, bintang at madidilim na isyu laban sa kanya at sa kasaysayan ng kanyang pamilya.
“Leave it at that. Not to add anything more.” Parang ganito ang ibig niyang mangyari. O baka walang paliwanag na makasasapat upang ituwid at bigyang-katuwiran ang mala bangungot na political history na kinasangkutan ng kanyang Tatay at Nanay.
Kung hindi siya haharap sa mga diskurso, paanong matatantya ang kanyang galing, kung may galing man. Paanong matitimbang ang kanyang sinseridad sa paglilingkod, kung meron nga siya nito. Bakit matatakot siyang maihaw kung wala namang lalabas na mantika para ikasunog niya?
Iba kasi ang balitaktakang walang rehearsal. Sa biglaang ito makikita ang tunay na kulay, tindig at kakayahan at klase ng pagkatao ng kandidato. Hindi natin kailangan ang mga political ad na ilang buwang kinonsepto, ilang linggong inensayo at pinerpekto pagkatapos ng ilang libong Take.
Gagawa ng mahahalagang desisyon at hakbangin ang mga kandidatong iboboto natin sa puwesto. Makakaapekto sila sa atin, sa ating pamilya at sa ating komunidad. Dahil diyan, dapat lang silang busisiin, pindot pindutin, pisil pisilin at amoy amuyin kung sariwa o bilasa bago alayan ng mahalaga nating boto.
Ang hindi dumalo sa mga debate ay supot.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.