Bawal na ang paluto sa El Nido

0
285

EL NIDO, Palawan. Sa isang hakbang upang pangalagaan ang kalusugan at kahandaan ng mga turista, pansamantalang ipinagbawal ng lokal na pamahalaan ng El Nido ang paluto o cooked to order services sa mga aktibidad tulad ng island hopping.

Ang pagbabawal na ito ay dahil  sa sunud-sunod na insidente ng pananakit ng tiyan na naranasan ng ilang turista sa lugar. Ayon sa mga ulat, noong Enero ng taong ito, mahigit sa 200 turista ang nagkasakit at nagdanas ng diarrhea o acute gastroenteritis.

Sa isang pagpupulong ng lokal na pamahalaan at mga tour at boat operators, nabatid na patuloy pa rin ang mga hamon kaugnay ng kakulangan sa malinis na tubig na magagamit sa pagluluto. Kahit na may mga food safety training na isinasagawa, may mga pagkakataon pa rin na hindi nasusunod ang maayos na paghahanda ng pagkain ng ilang travel operator.

Dagdag pa rito, ilan sa kanila ay nagluluto pa mismo sa kanilang bangka, na labis na kulang sa mga malinis at ligtas na pasilidad para sa pagluluto. 

Ang ganitong kawalan ng kaayusan sa food preparation ay maaaring magdulot ng mga suliranin sa kalusugan ng mga turista.

Ang lokal na pamahalaan ng El Nido ay nagpahayag ng kanilang layunin na siguraduhin ang kaligtasan at kalusugan ng mga bisita sa pamamagitan ng pagpapatupad ng mga hakbang na mag-aangkop sa food safety standards. 

Balak rin nilang magbigay ng mas malawak na kaalaman sa mga travel operator ukol sa mga mahahalagang aspeto ng paghahanda ng pagkain at pangangalaga sa malinis na kapaligiran.

Sa kasalukuyan, patuloy ang pagsasagawa ng mga hakbang upang solusyunan ang mga isyung ito. 

Inaasahang sa pamamagitan ng maayos na koordinasyon at kooperasyon sa pagitan ng lokal na pamahalaan at mga tour operator, mapangangalagaan ang kalusugan at kasiyahan ng mga turista na bumibisita sa magandang bayan ng El Nido.

Author profile
Paraluman P. Funtanilla
Contributing Editor

Paraluman P. Funtanilla is Tutubi News Magazine's Marketing Specialist and is a Contributing Editor.  She finished her degree in Communication Arts in De La Salle Lipa. She has worked as a Digital Marketer for start-up businesses and small business spaces for the past two years. She has earned certificates from Coursera on Brand Management: Aligning Business Brand and Behavior and Viral Marketing and How to Craft Contagious Content. She also worked with Asia Express Romania TV Show.