Bawal na ang wang-wang at blinkers sa government officials, employees

0
269

Naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ipinagbabawal sa lahat ng mga opisyal at empleyado ng gobyerno ang paggamit ng wang-wang, blinkers, at iba pang katulad na signaling o flashing devices. Batay sa Administrative Order No. 18 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin, layunin ng pangulo na pigilan ang hindi awtorisadong paggamit ng mga naturang kagamitan upang maiwasan ang pagkaantala ng trapiko at panganib sa mga kalsada at kapaligiran.

Sa nasabing AO, mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng mga sirena, dome lights, blinkers, at iba pang katulad na devices na lumilikha ng malakas o nakakagulat na ingay. Subalit, hindi sakop ng direktiba ang mga tanggapan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), fire trucks, hospital ambulances, at iba pang mga emergency vehicles.

Binabalaan din ang lahat ng opisyal at empleyado ng gobyerno na gamitin ang mga naturang kagamitan maliban na lamang kung mayroong emerhensiya o kagyat na pangangailangan para sa kaligtasan at mabilisang pagresponde ng mga awtorisadong ahensya.

Kasunod ng direktibang ito, magsasagawa ang PNP ng malawakang operasyon laban sa mga motorista na patuloy na gumagamit ng blinkers at sirena, o mas kilala bilang ‘wang-wang’.

Ayon kay PNP information chief at tagapagsalita na si Col. Jean Fajardo, sa ilalim ng Presidential Decree (PD) 96, labag sa batas ang paggamit ng wang-wang at blinkers ng mga pribadong sasakyan. Dagdag pa ni Fajardo, ang mga blinkers ay dapat lamang gamitin ng mga pulis, bumbero, sundalo, at sa mga kagyat na emerhensiya.

Bukod dito, ipinunto ni Fajardo na mayroong karampatang parusa para sa mga lumabag sa PD 96, kung saan maaaring ipakumpiska ang mga blinkers sa unang paglabag, samantalang sa pangalawang pagkakataon ay may kasong kriminal at posibleng pagkakakulong ng hanggang anim na buwan.

Hindi rin ligtas ang mga nagbebenta ng mga bawal na kagamitan tulad ng wang-wang at blinkers. Ayon sa datos ng PNP, umabot sa 2,546 na blinkers at wang-wang ang nakumpiska mula Enero hanggang Marso ng taong 2024.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo