Bayan, pumili ka o pumikit ka

0
688

Dumagundong ang panawagan ni ‘Heneral Luna’ sa katauhan ni John Arcilla sa grand rally ng mga taga-suporta ng Leni-Kiko tandem: “Bayan, pumili ka.” Pinapipili ang taumbayan habang nasa entablado ng mga Kakampink at nananawagan. Wala ba sa ayos? Sakto lang. Kasabihan nga, hindi binabaril ang mensahero. Naihatid ba ang mensahe? Maliwanag at makapanindig-balahibo.

Para maging patas, hindi lang naman si Arcilla ang nagpamalas nang napakahusay na pasalitang pangangampanya para sa tamang pagboto nitong nakaraang Abril. Nauna ko nang nabanggit sa espasyong ito dalawang Martes pa lamang ang nakararaan na meron na ring Piolo Pascual at Catriona Gray. Ang “Pinuno: Para Sa Bayan” video na hatid “from Gray to Pink” ay puno ng pag-asa, bukod sa ito’y dagdag-edukasyon sa mga botante. Si Piolo nama’y naka-dalawang video na at parehong malaman. Patunay lamang ito sa kawastuhan ng thesis na ang katayuan ng celebrity ay makapangyarihan din sa larangan ng edukasyon, hindi lamang sa pinilakang-tabing. Sinumang may adhikaing manghikayat ay panghihinayangan ang 21 million Instagram and Facebook followers (labas pa yung ibang social media) ni Gray at ang 6 million na tagasubaybay naman ni Piolo sa dalawang kaparehas na platform kung hindi mo sila magagamit sa panghihikayat. Pero hindi nagtatapos diyan ang kamangha-manghang bagay kada eleksyon. Wala silang bayad sa pag-endorso. Kakaiba ang Halalan 2022 dahil maraming artista ang abonado pa nga.

Labis-labis naman ang pasasalamat ni VP Leni sa mga libreng endorsements ng napakaraming bigating artista, pero mabilis niyang sinabi sa madla na ang mga celebrity ay “tumataya sa atin” hindi para magpa-cute kundi dahil “ganoon na lamang kalaki ang pagmamahal nila” sa ating bansa. Nais, aniyang, ibalik naman natin ang kapangyarihan sa taumbayan. Kasi naman daw ay “lagi na lang ang ipinapanalo natin ay ang ating mga kandidato; tayo naman,” banggit ni Vice Ganda.

Kapamilya at Kapuso artists, panig halos lahat sa kandidatura ni VP Leni. Ibang klase ang bilang nila ngayon kumpara sa mga nagdaang mga halalan. Ibang tapang din. Hindi natatakot sina Anne Curtis, Gary Valenciano, TV host and Law Dean Mel Sta. Maria na ma-bash sa social media at hindi panghihinayangan kung mabawasan man sila ng followers sa kanilang paglalahad at paglalantad na sila’y Kakapinks. It’s not without basis; in fact, Robredo battling it out with very established names in Philippine politics in 2016 says it all. Maraming nahawa sa tapang ng babaeng pinuno. Pakinggan natin si ‘Heneral Luna’:

“Korap o tapat? Kurakot o lingkod? Umiiwas o humaharap? Sumusugod o umaatras? Masipag o tamad? Trapo o tropa? Bayan, pumili ka!” ani Arcilla, na sa bawat tanong ay lasap na lasap ang matino at malakas na tugon ng mga manonood. “Ito ang tunay na pag ibig sa bayan dahil ayaw natin ng korapsyon at kahit anong uri ng kawalan ng hustisya — dahil itong dalawang ito ang dahilan kung bakit marami ang naghihirap sa ating mga kababayan.”

Dagdag pa niya: “Tayong mga Pilipino ay hindi perpekto at hindi mga santo, subalit alam natin kung papaano tumindig nang may dangal.”

Nadagdag sa humahabang listahan ng mga Kakampinks kamakailan sina Dennis Trillo, Jennylyn Mercado, Kathryn Bernardo, Liza Soberano, Angel Locsin, Piolo Pascual, Daniel Padilla, Nadine Lustre, Anne Curtis, Carla Abellana, Kris Aquino, Kuh Ledesma, Edu Manzano, Cherry Pie Picache, Agot Isidro, Ogie Diaz, Ely Buendia, at marami pang iba, pati mga matutunog na banda.

Sinabi naman ni Jolina Magdangal, isa ring Kakampink: “Kung kami ngang mga artista eh nahirapan pa nitong nakaraang mga taon, ano pa kaya yung mga kapwa nating Pilipino na mas maliliit at kapos sa oportunidad?”

May mababago pa ba? Meron, ani Jolina.

“Pwede nating baguhin ang lahat ng ito kung pipiliin natin ang tamang tao. At dahil alam ko ang kahalagahan ng maayos at ligtas na trabaho, doon ako sa marunong magtrabaho, at nakita nating nagtatrabaho…Yung naranasan na makisalamuha sa masa, yung kagaya nating nagbabanat ng buto, at kayang magtrabaho ng 18 hours per day,” banggit pa ng mang-aawit at aktres.

Entertaining. Educating. Real fun for fans and voters. Bayan, huwag pumikit kundi pumili ka.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.