Bayan sa Laguna na dating bulwarte ng NPA, insurgency-free na

0
184

KALAYAAN, Laguna. Sa nilagdaang Memorandum of Agreement noong Miyerkules ng hapon sa Kalayaan multi-purpose hall, idineklara ng militar at kapulisan na insurgency-free na ang bayang ito na halos tatlong dekada nang pinamamahayan ng New People’s Army sa ilalim ng pamamahala ni Ka Gregorio Rosal, o mas kilala bilang “Ka Roger”.

Ayon kay Brig. General Cerilo Balaoro Jr., battalion commander Philippine Army 202nd Infantry Brigade, ang Kalayaan ang kauna-unahang bayan sa Laguna na napasailalim sa Stable Internal Peace and Security (SIPS) status.

Ang memorandum of agreement ay naisakatuparan ng inter-agency body matapos ang ilang taon na walang insidente ng karahasan sa lugar na may kaugnayan sa mga rebelde at anumang recruitment activities ng CPP-National Democratic Front.

Dumalo sa kasunduan si Laguna police director na si Col. Harold Depositar, Laguna Governor Ramil Hernandez, DILG chief John M. Cerezo, General Balaoro, at Kalayaan Mayor Sandy Laganapan, kasama ang iba pang mga stakeholder.

Nagpahayag ng kanyang pag-asa si Mayor Laganapan na ang nabanggit na MOU ay magsisilbing daan para sa patuloy na pag-unlad ng kanilang bayan.

Samantala, hinimok naman ng pamunuan ng Laguna PNP at ng Militar ang natitirang mga rebelde sa Laguna na kusang sumuko sa kanilang tanggapan at tanggapin ang alok ng maganda at maayos na kabuhayan mula sa pamahalaan.

NAKATUON LABAN SA LOKAL NA TERORISTANG GRUPO. Ang mga lokal na opisyal at kinatawan mula sa mga ahensya ng pamahalaan ay pumirma ng isang paninindigan na hindi nila tinatanggap ang Communist Terrorist Groups (CTG) at ang kanilang mga sectoral front organizations gayundin ang kanilang mga aktibidad sa Kalayaan. Photo credits: 202nd IB, Philippine Army.
Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.