Bayan sa Quezon, magbibigay ng mas mataas na sahod sa mga ‘single’ gov’t workers sa V-Day

0
314

Tatanggap ng espesyal na benepisyo sa Valentine’s Day ang mga “single” na empleyado ng munisipyo ng General Luna sa lalawigan ng Quezon, ayon sa talumpati ni Mayor Matt Florido sa regular na flag-raising ceremony noong Lunes.

Ayon sa kanya, ang lahat ng mga empleyado na loveless o “walang dyowa” sa nakalipas na limang taon, gayundin ang mga kabilang sa NBSB/NGSB o “No Boyfriend Since Birth/No Girlfriend Since Birth” ay makakakuha ng mga benepisyo sa Pebrero 14.

Sa kabilang banda, ang mga empleyado na kasalukuyang “single” ngunit hindi kabilang sa dalawang grupo ay makakakuha ng dobleng sahod o maaaring mag enjoy ng long weekend matapos maghain ng Leave with Pay sa Pebrero 13 – isang Lunes.

Sinabi ni Florido na ang masayang work arrangement na ito para sa Araw ng mga Puso ay kanyang paraan ng pagpapasalamat sa kanyang masisipag na kawani ng munisipyo na laging handang ibigay ang kanilang serbisyo ng lampas sa oras ng opisina anumang oras na hilingin sa kanila.

“I’ve come to realize that everybody, especially the single ones, need to have a ‘me time’ in which they can pamper themselves – a luxury that a long weekend can provide,” ayon sa kanya sa isang  phone interview noong Lunes.

Kahit sino ay maaaring mag-aplay para sa mga benepisyo, at kailangan lamang na magsumite ng isang form sa Office of the Mayor o sa Human Resources Department, ayon kay Florido. Isang espesyal na komite ang magpapatunay sa lahat ng mga aplikasyon.

Nilinaw ng mayor na ang monetary benefits ay kukunin sa kanyang personal resources.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.