Beteranong mamamahayag at dating alkalde ng Kalibo, pinagbabaril sa loob ng bahay

0
31

KALIBO, AKLAN. Pinagbabaril at napatay si Juan P. Dayang, 89 taong gulang, isang kilalang beteranong mamamahayag at dating alkalde ng Kalibo, sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Casa Dayang, Villa Salvacion, Kalibo, Aklan, bandang alas-8 ng gabi noong Abril 29, 2025.

Ayon sa inisyal na ulat ng pulisya, nanonood ng telebisyon ang biktima nang bigla siyang pagbabarilin ng isang lalaking nakasuot ng bonnet mula sa labas ng kanyang bahay. Tinamaan si Dayang sa leeg at likod. Agad siyang dinala sa Dr. Rafael S. Tumbocon Memorial Hospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Si Dayang ay kinikilalang haligi ng pamamahayag sa bansa. Mahigit dalawampung taon siyang naging pangulo ng Publishers Association of the Philippines Inc. (PAPI), at aktibo ring miyembro at lider ng iba’t ibang organisasyon ng mga mamamahayag. Maliban dito, nagsilbi rin siyang alkalde ng Kalibo sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad. Kasalukuyang sinusuri ang CCTV footage sa lugar ng insidente upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek na tumakas sakay ng motorsiklo. Wala pa ring malinaw na motibo sa krimen.

Mariing kinondena ni PAPI President Nelson S. Santos ang brutal na pamamaslang.

“We strongly condemn this killing, and we are calling for justice. HINDI niya deserved ang cruel and senseless end,” pahayag ni Santos.

Hinimok din niya ang Presidential Task Force on Media Security na agarang aksyunan ang kaso upang madakip at mapanagot ang mga nasa likod ng karumal-dumal na krimen.

Patuloy ang panawagan ng hustisya para kay Juan P. Dayang, na hindi lamang iniwan ang isang mayamang ambag sa pamamahayag kundi rin isang legasiyong nakaugat sa tapat na paglilingkod bayan.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.

We appreciate your thoughts. Please leave a comment.