Beteranong mamamahayag na si Mike Enriquez, pumanaw sa edad na 71

0
392

Nagluluksa ang mundo ng broadcast at journalism dahil sa pagpanaw ng beteranong mamamahayag na si Mike Enriquez sa edad na 71.

Si Enriquez ay isa sa mga kilalang anchors ng GMA 7’s “24 Oras” at nagsilbing host ng programa ng GMA Public Affairs na “Imbestigador.” Isa rin siya sa mga naging haligi ng “Super Balita sa Umaga” at “Saksi sa Dobol B” ng DZBB. Bukod dito, nanungkulan siya bilang presidente ng RGMA Network, Inc. at Senior Vice President at Consultant para sa Radio Operations ng GMA Network.

Sa pahayag ng GMA Network, “It is with profound sadness that GMA Network announces the passing of our beloved Kapuso, Mr. Miguel ‘Mike’ C. Enriquez, who peacefully joined our Creator on August 29, 2023. He joined the broadcast industry in 1969 and then became part of GMA Network in 1995, wholeheartedly serving the Filipino audience for 54 years.”

Siya ay kilalang may dedikasyon sa kanyang trabaho at naging inspirasyon sa marami. Nagkamit si Enriquez ng iba’t-ibang parangal at pagkilala sa kanyang mahabang karera sa radyo at telebisyon. Kinilala siyang Most Outstanding Male News Anchor ng Gawad Lasallianeta Awards noong nakaraang taon, at isa sa 10 media icons ng Media Specialists Association of the Philippines noong 2019. Isa rin siyang kinilalang Best Male News Anchor on AM radio at Best Male News Anchor on Television sa Animo Media Choice Awards.

Siya rin ay nagwagi ng Best AM Radio Anchor sa COMGUILD Media Awards for Radio and Television noong 2018, at tumanggap ng Adamson Media Award noong 2016 para sa kanyang dedikasyon sa pagsasalita para sa mga mahihirap.

Higit pa sa mga pagkilala, naging matagumpay rin siya sa larangan ng international competition. Nakamit niya ang gold medal sa New York Festivals noong 2003 para sa kanyang trabaho sa “Saksi” at Silver Camera Award sa US Film and Video Festival noong 2004 para sa isang dokumentaryo tungkol sa Iraq War.

Nakamit din niya ang Best Newscaster Award sa Asian Television Awards sa Singapore noong 1999.

Si Enriquez ay nag-leave noong Disyembre 2021 para sa kidney transplant at bumalik sa trabaho noong Marso 2022. Nauna dito ay sumailalim siya sa heart bypass noong 2018 at nagpagamot para sa kidney disease.

Author profile

Carlo Juancho FuntanillaFrontend Developer, WordPress, Shopify
Contributing Editor
AMA ACLC San Pablo