BFAR: Bajo de Masinloc ginagamitan ng cyanide ng China, Vietnam upang itaboy mangingisdang Pinoy

0
328

Ibinunyag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na ginamitan ng cyanide ng mga mangingisdang Intsik ang Bajo de Masinloc upang maitaboy sa lugar ang mga mangingisdang Pilipino.

Ayon kay BFAR spokesperson Nazario Briguera, ito ang pahayag ng mga Pilipinong mangingisda sa kanila at sinabi na gawain ito ng mga mangingisda mula sa China.

Sa katunayan, ayon kay Briguera, pati na rin ang mga mangingisdang Vietnamese ay gumagamit din ng cyanide sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal.

“At sinasabi, according to Filipino fishermen, ‘yung mga Chinese fishermen, if I am not mistaken, ay gumagamit ng cyanide as well ang mga Vietnamese fishers,” ani Briguera.

Nakumpirma rin nila ang pagkasira ng mga coral reefs mula sa kanilang ground personnel. Napag alaman na umaabot sa bilyong piso ang mga coral reefs na nasira ng China.

Ani Briguera, ang paggamit ng cyanide sa Bajo de Masinloc ay maglalagay sa panganib sa buong marine resources, ecosystem at maging ang karagatan ng ibang bansa.

“Kasi magkakarugtong po ang ating karagatan, hindi ibig sabihin po niyan ka [kapag] may pagkasira sa Bajo de Masinloc ay walang epekto iyan sa ibang bahagi ng ating karagatan,” dagdag pa ni Briguera.

Ipinauubaya na rin nila sa Department of Justice kung aaksiyunan ang reklamo laban sa China.

Samantala, tagumpay ang BFAR sa pamamahagi ng tulong sa mga Pilipinong mangingisda sa bahagi ng Bajo de Masinloc sa Zambales kung saan natanggap ng mga ito ang nasa 14,000 liters ng diesel fuel, 50 liters ng motor oil at iba pang mga tulong sa 21 commercial fishing boat na naroroon sa lugar.

Sinabi ni Briguera na ang isinagawang resupply mission ng BFAR at Philippine Coast Guard ay nakapaloob sa ”Bagong Pilipinas” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr, upang matiyak ang food security sa bansa. Ipinaabot niya ang pagnanais ni Pangulong Marcos na malayang makapangisda ang mga Pilipino.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.