BI, umaasang dadami ang OFW na uuwi para sa holiday season sa kabila ng Omicron

0
394

Umaasa si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Jaime Morente na dadami ang arrivals para sa holiday season sa kabila ng mga travel restrictions na ipinatupad dahil sa Omicron virus.

“We see that domestic travel is, little by little, bouncing back, and we see the same coming soon for the international travel sector,” ayon kay Morente.

Sinabi ni Morente na noong unang araw ng buwan, 85% ng mga dumating ay mga Pilipino, na marami sa mga ito ay mga OFW at balikbayan. “Sa mahigit 6,000 na dumating noong unang araw ng Disyembre, karamihan ay mga Pilipino. Bagama’t ang bilang ay nananatiling medyo mababa, inaasahanna ito ay dahan-dahang tataas kapag malapit na ang Pasko at Bagong Taon,” dagdag niya.

Noong Disyembre noong nakaraang taon, humigit-kumulang 152,000 pasahero lamang ang nakapasok sa bansa. Sinabi niya na ang BI ay naglagay ng ilang mga hakbang upang mapaghandaan ang posibleng pagdami ng mga uuwi sa kapaskuhan.

Samantala, sinabi naman ni Lawyer Carlos Capulong, BI port operations chief, na maaari nang dumaan ang mga pasaherong Pilipino sa mga e-gate na naka-install sa immigration arrival area sa lahat ng tatlong terminal ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at sa Clark International Airport (CIA) sa Angeles City at unahin dito ang mga OFW na inaasahang darating ngayong Disyembre.

Ang muling pagbubukas ng mga e-gate ay nauna nang iniutos ni Immigration Commissioner Jaime Morente at muling ilulunsad ang proyekto para sa Christmas holiday break sa inaasahang pagdagsa ng mga international traveller, ayon kay Capulong.

Inilunsad ang e-gate noong Agosto 2018 at ginamit hanggang Marso noong nakaraang taon ngunit itinigil noong simula ng pandemya sa pangamba sa posibleng panganib sa kontaminasyon tuwing gagamit ng biometric scan ang mga pasahero. Kaugnay nito, sinabi ni Capulong na nagpatupad sila ng mahigpit na mga protocol sa kalinisan upang maiwasan ang mga panganib sa hawahan.

Author profile
Gary P Hernal

Gary P Hernal started college at UP Diliman and received his BA in Economics from San Sebastian College, Manila, and Masters in Information Systems Management from Keller Graduate School of Management of DeVry University in Oak Brook, IL. He has 25 years of copy editing and management experience at Thomson West, a subsidiary of Thomson Reuters.