Big boss ng Lucky South 99, nahuli sa Laguna

0
235

CALAMBA CITY, Laguna. Naaresto ng mga awtoridad nitong Huwebes ng gabi ang itinuturong “big boss” ng Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nakabase sa Porac, Pampanga.

Kinilala ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) spokesman Winston Casio ang suspek na si Lyu Dong, kilala rin sa mga alyas na Boss Boga, Boss Apao, at Boss Bahaw. Nahuli si Lyu sa isang subdivision sa Laguna bandang alas-8 ng gabi.

Ayon kay Casio, may warrant of arrest at mission order laban kay Lyu Dong. “Malaking bagay ito. Isa-isa na nating natutugis ‘yung mga big bosses… Kahit makapagpakulong tayo ng ilang libong Chinese workers… hindi sapat ‘yun kung hindi tayo makapagpakulong ng big bosses,” pahayag ni Casio.

Dagdag pa niya, sinundan nila ang matibay na impormasyong nakuha at inaresto si Lyu Dong habang papalabas ito ng kanyang tahanan. “Siya po ay papunta sa inyong sasakyan, lumabas sa inyong bahay… May mga kasama po siya, meron po parang ginaganap. Lumabas po siya ng panandalian doon sa party kasama ang kanilang mga bodyguard, siguro may bibilhin o may pupuntahan. Nung nakita natin ang ating mga officers, nung ating mga ahente, sinunggaban na po siya… Dahil matagal na natin siyang minamanmanan,” dagdag ni Casio.

Bagama’t may kaunting pagtutol sa kanyang pag-aresto, naging maayos ang operasyon at walang matinding insidente. Ilang kasama ni Lyu Dong ang nadakip din sa nasabing operasyon.

Ang pagkakaaresto kay Lyu Dong ay bahagi ng patuloy na kampanya ng gobyerno laban sa mga iligal na operasyon ng POGO sa bansa.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.