Big-time illegal recruiter sa Laguna, arestado ng PNP, DMW

0
293

Paete, Laguna. Arestado ang isang big-time illegal recruiter sa bayang ito, noong Martes (Pebrero 21), sa isinagawang entrapment operation ng Philippine National Police (PNP) at Department of Migrant Workers (DMW).

Sa isang press release na inilabas noong Huwebes, kinilala ni DMW Secretary Susan “Toots” Ople ang suspek na si Jonnalyn M. Sebastian, 39 anyos, na sinasabing isa sa apat na miyembro ng illegal recruitment ring.

Dagdag pa niya, kasunod ng operasyon, napigilan ng DMW ang 33 overseas job applicants na mabiktima ng illegal recruitment.

“Sebastian, given the sheer number of complainants, faces a non-bailable offense and possibly, a lifetime of jail time. We thank the PNP and the province of Laguna for their full support to the DMW’s fight against illegal recruitment and human trafficking,” ayon kay Ople.

Sinabi ni Ople na matapos silang makatanggap ng mga reklamo mula sa tatlong overseas job applicants, agad na nagsagawa ng surveillance operations ang Anti-Illegal Recruitment Branch (AIRB) ng DMW.

Sinabi niya na ang mga biktima ay nagsumbong na sinisingil sila mula PHP100,000 hanggang PHP350,000 bilang “advance placement fees” para sa mga “garantisadong” trabaho bilang caregiver sa Malta at Malaysia.

Dagdag pa dito, sinabi ni Ople na batay sa reklamo, ipinakilala umano ni Sebastian ang kanyang sarili sa mga naghahanap ng trabaho bilang “coordinator” ng isang “government-to-government program” ng isang “licensed recruitment agency.”

Hiningan ng suspek ang mga aplikante ng paunang “placement fee” mula PHP100,000 hanggang PHP150,000 bilang bayad sa iba’t ibang training fee, medical examination, at iba pang gastusin.

Sinabihan din ang mga aplikante na bayaran ang natitirang balanse bago sumapit ang kanilang deployment.

Samantala, ang mga hindi makabayad ay pinayuhan ni Sebastian na mag-apply ng mga loan na babayaran sa pamamagitan ng salary deductions pagkatapos ng kanilang deployment.

Gayunpaman, nagsimulang maghinala ang mga aplikante ng mabigo si Sebastian na i-deploy sila pagkatapos ng mahabang panahon. Kasunod nito ay nagpasya silang humingi ng tulong sa DMW.

Sa kasalukuyan, sinabi ni Ople na tinutulungan ng DMW ang lahat ng 33 nailigtas na mga biktima ng illegal recruitment sa pagdo-dokumento ng kanilang mga reklamo bagosampahan ng mga kaukulang kaso si Sebastian.

Kakasuhan siya ng large-scale illegal recruitment activities na katumbas ng economic sabotage na isang non-bailable offense.

Noong Huwebes, dinala si Sebastian sa Department of Justice (DOJ) para sa inquest proceedings habang isinasagawa ang follow-up operations ng Trafficking in Persons unit ng PNP laban sa asawa ni Sebastian at dalawa pang kasabwat.

HULI. Inaresto ng mga tauhan ng Department of Migrant Workers (DMW) at ng Philippine National Police, si Jonnalyn Sebastian, isa sa apat na miyembro ng umano’y big-time illegal recruitment ring sa bayan ng Paete, lalawigan ng Laguna noong Martes (Peb. 21, 2023). Sinabi ni DMW Secretary Susan Ople na 33 overseas job applicants ang nailigtas mula sa pagiging biktima ng illegal recruitment. (Photo credits: DMW)
Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.