Bigyan natin ng pansin ang mga balimbing

0
825

Noong ako’y bata pa, malimit akong dumayo ng laro sa mga pinsan ko. Doon sa tinutuluyan nilang bahay sa malapit sa palengke ng San Pablo City. Doon ay may  puno ng balimbing na nalalaglag lang ang bunga. Hindi kasi masyadong pinapansin ang bunga ng balimbing. Kaya nga kakaunti ang nagtatanim ng punong ito hanggang ngayon. 

Ang balimbing (Averrhoa carambola) ay kilala din sa tawag na star fruit. Isa itong uri ng punongkahoy na may bungang hugis tatsulok na may limang kanto. Ang puno nito ay katatamtaman ang taas at karaniwan ay may taas lamang taas na 5-12 metro. Kamag-anak ito ng kalamias o kamias. 

Ang prutas nito ay kulay berde pag hilaw pa at dilaw o manila-nilaw kapag hinog na. Ang bunga ng  balimbing, sang-ayon sa mga siyentipiko ay mayaman sa Vitamin B at C. Mayaman din ito sa fiber at minerals gaya ng iron, magnesium, at potassium. Ang mga dahon at bulaklak naman nito ay ginagamit na halamang-gamot. Ang pinakuluang bulaklak ng balimbing ay makakatulong para lumabas ang bulate. Ipinaliligo din ng bagong panganak ang nilagay dahon ng balimbing.

Sinasabi din ng mga nutrition experts na sinusuportahan ng balimbing ang immune system sa pang-araw-araw na trabaho nito, kabilang ang pag-alis ng mga toxins sa katawan at nilimitahan ang pagkalat ng masamang bakterya.

Nakakatulong din ang balimbing sa weight loss. Sa 40 calories bawat serving, masisiyahan ka sa matamis at malasang at guilt-free na balimbing. Kahit na ito ay matamis, ang sugar content nito ay 4-5% lamang. Mababa din ito sa carbohydrates. Ito ang perpektong meryenda kung ikaw ay figure conscious.

Ang hinog na balimbing ay maaari ding gamitin sa pagluluto. Sa Timog-silangang Asya, ang mga ito ay karaniwang ini-stew sa clove at asukal, kung minsan ay may halong mansanas. Sa China, niluto ito kasama ng isda. Sa Australia, niluluto ito bilang gulay, adobo, o ginagawang jam. Sa Jamaica minsan ay pinapatuyo.

Ang hilaw at maasim na balimbing ay maaaring ihalo sa iba pang tinadtad na gulay upang gawing relish kagaya sa Australia. Sa Pilipinas, ang mga hilaw na carambola ay isinasawsaw sa rock salt. Sa Thailand, niluluto sila kasama ng hipon.

Ang juice mula sa carambola ay ginagamit din sa mga iced drink. Sa Hawaii ginagamit ang mga ito sa paggawa ng sherbet at sa India, ang juice nito ibinobote bilang drink.

Magandang magtanim din tayo ng puno ng balimbing kung may lugar. Panahon na upang bigyan ng pansin ang bunga ng balimbing dahil ayon sa pag aaral ng mga scientist at nutritionist ay maraming health benefits ito bukod sa isa itong masustansyang pagkain.

Author profile
Joel Frago

Si Joel Frago ay isang rehistradong Nurse at Midwife. Siya ay isa ring Pastor.  Naging magsasaka siya mula noong 2004 at nagkamit ng mga pagkilala at prangal sa larangan ng farming.  Pinarangalan siya bilang isa sa Ten Outstanding Pableño noong 2018.  Siya ang nataguriang Kusinero de Bukid ng Forest Wood Garden, isang agritourism destination na dinrayo ng mga turista mula sa loob at labas ng bansa.