Tagaytay City, Cavite. Iniligtas ng Camp BGen Vicente P Lim-Tagaytay PNP ang binugbog na babae sa isang hotel sa Tagaytay City kanina, Marso 18, 2022 matapos makatanggap ng tawag mula sa Dial 911.
Batay sa salaysay ng biktima, nagkaroon siya ng hindi pagkakaunawaan sa kanyang nobyo na nagresulta sa pisikal na karahasan. Diumano ay sinaktan at sinuntok ng suspek ang biktima sa iba’t ibang bahagi ng katawan nito.
Matapos ang matagumpay na rescue operation, agad na isinugod sa ospital ang biktima upang magamot.
Samantala, dinala sa himpilan ng pulisya ang suspek sa nasabing insidente na kinilalang si Keith Thompson, isang aktor at commercial model na residente ng Angeles City, Pampanga para sa karagdagang imbestigasyon.
Pinuri ni RD Yarra ang mga operatiba sa mabilis na pagtugon sa umano’y insidente ng pambubugbog sa babae.
“Ang ganitong klaseng violence ay hindi dapat ipinagsasawalang bahala lamang. I will take this chance to call on other women who are victims of violence not to be afraid and report immediately to the nearest police station their situation. Kagaya na lamang po ng biktima sa insidenteng ito, agad na nabigyan ng aksyon at hindi na umabot pa sa mas marahas na sitwasyon”, ayon sa mensahe ng PNP Regional Director.
Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.