Bilihan ng boto, maaaring isumbong sa Citizen Complaint Center ng Comelec 4-A

0
400

Calamba City, Laguna. Maaaring idulog sa Citizen Complaints Center (CCC) na binuo ng Commission on Elections (Comelec) Region 4-A ang anumang insidente ng pagbili at pagbebenta ng boto bago sumapit at sa araw ng eleksyon bukas, Mayo 9.

Ayon sa abiso ng Komisyon, ang CCC na may hotline number na 0915 618 1725 ay bukas para tumanggap ng ulat na may kugnayan sa vote-buying at vote-selling.

“Ang CCC ay magsisilbing daan ng komunikasyon para direktang maisumbong o maiulat ang mga insidente ng vote-buying at vote-selling sa rehiyon,” pahayag ng Comelec 4-A sa kanilang Facebook page.

Kaugnay nito, binuo ng Komisyon ang ‘Task Force Kontra Bigay’ na siyang mangunguna sa pagtutok sa mga insidente ng vote-buying ngayong eleksyon.

Ayon kay Atty. Rafael Olaño, Comelec Region 4-A Regional Election Director, umaasa ang Comelec na sa pamamagitan ng CCC at Task Force Kontra Bigay ay mabilis na matutugunan ang mga insidente ng pamimili ng boto na mahigpit na ipinagbabawal at maituturing na isang election offense, batay sa Omnibus Election Code.

Tiwala din si Olaño na sa tulong ng Police Regional Office 4-A ay matutugunan ang mga ulat at mahuhili ang mga gumagawa ng vote-buying activities sa rehiyon.

Parusang diskuwalipikasyon sa pagtakbo, pagboto, o pagkakakulong na aabot ng isa hanggang anim na taon ang naghihintay para sa mga mapapatunayang sangkot sa vote-buying at vote-selling. 

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.