Sa sabungan ay may espesyal na itinatanghal na pampasaya sa mga suking magsasabong. Ito ang karambola – labo labo ng magsasalpukan at mag uutasang mga tandang.
Ilang may taring manok ang sabay-sabay na bibitawan sa ruweda at hahayaang magpandale at magpapatayan. Ika nga’y matira ang matibay. Ang matitirang buhay matapos ang ‘rumble’ ang itatanghal na champion ng karambola.
Noong bagong nagsasabong ang may akda ay nakapanood ng isang karambola ng mga manok. Anim na tandang ang maglalaban laban. Ang lima ay manok na pula at isang kulay binabae – alanganing tandang, alanganin inahin. Sa binabaeng manok ako pumusta kahit dinidehado sa tawagan ng pustahan. Mas malaki ang tatamaan kapag ako’y mananalo.
Pagkabitaw sa limang manok na pula ay napatingin ang mga ito sa binabae na nasa kanilang gitna. Kung bakit nga sa gitna ng limang pula binitiwan ito ng may ari. Maging ang manok na binabae ay nagulat at tila nangulag sa ginawa ng kanyang amo. Dedma kunwari, nanuka na lang ng mga nakitang pwedeng makain sa lupa ng ruweda habang palingon lingon sa limang nakapaligid na mga katunggali.
Ito namang lima ang akala ay inahin na uubrang babahan at igawa ng itlog ang binabaeng nasa kanilang harapan. Sabay sabay na gumiri ang mga manok na pula upang upakan ng kasta ang pobreng binabae.
Marahil dahil sa mga taglay na kalibugan ay nagkakabanggaan sa pag giri lima at naging daan upang matanto nila na kaya nga pala sila ay nasa ruweda ay upang makipag patayan sa kapwa tandang.
Nagsalpukan na nga ang lima! Kung sino ang maharap ay palo dito, palo doon habang ang binabae naman ay tuloy lang ang pagtuka sa lupa.
Makalipas ang ilang minuto ay isang manok na pula na lang ang natirang buhay. Dahil sa mahabang pakikipagsalpukan ay tadtad na ng sugat ang buong katawan at namimilay na rin ang paang may tari. Nilapitan ito ng sistensyador ng sabungan at dahan dahang dinampot upang ilapit sa binabaing tapos ng manginain.
Kalalapag pa lang ng sistensyador sa sugatang tandang na kahit sugatan na at nanghihina ay umiiral pa rin ang kagustuhan makapang rape sa akala niya ay inahin na nasa harapan nya. Naglulupasay na ginirian ang kaharap na binabae na ikinagulat nito at nagpaalala na siya nga pala ay isang tandang na kaya nasa ruweda ay upang makipag patayan at ipanalo ang pusta ng kanyang amo.
Hindi pa man nakakadikit ang gumigiring kalaban ay pinupog na ng palo ng binabae ang manok na pula at ang resulta, ilang segundo lang ay utas agad ang katunggali. Champion sa Karambola ang binabae. Panalo kaming mga dehadista!
Mangyari din kaya ang kwentong sabong na ito sa gaganaping halalan sa pagka pangulo ng bansa sa Mayo 9, 2022?
Sandy Belarmino
Si Sandy Belarmino ay 17 taon ng naglilingkod sa larangan ng pamamahayag. Naging broadcaster siya sa radyo at local TV. Media correspondent din sya at columnist sa iba’t ibang dyaryo ng lokal sa San Pablo City. Si Sandy ay kasalukuyang pangulo ng Seven Lakes Press Corps.