Biñan City Mayor Arman Dimaguila, nanumpa sa tungkulin

0
667

Biñan City, Laguna. Nanumpa sa tungkulin si Biñan City Mayor Arman Dimaguila kasama ang iba pang halal na opisyal ng nabanggit na lungsod sa Alonte Sports Arena sa Zapote Road noong Miyerkules, Hunyo 29.

Nanumpa ang muling halal na alkalde sa harap ni Executive Judge Tomas Ken D. Romaquin, Jr. ng Biñan Regional Trial Court sa SB Session bandang 9:00 a.m.

Kasama ni Dimaguila sa oath-taking rites ang muling nahalal na Vice-Mayor Gel Alonte, Lone District Representative-elect Len-len Alonte at ang mga bagong konsehal ng lungsod.

Sa kanyang inaugural speech, sinabi ni Dimaguila na layunin niyang gawing “liveable city” ang Biñan sa pamamagitan ng pagbuo at pagpapalawak ng mga programa nito para sa wellness at sports, edukasyon, eco-tourism at mga event space, at mga pabahay.

Sinabi ni Dimaguila na sa kanyang huling termino ng panunungkulan, tututukan niya ang seguridad sa pagkain ng lungsod at ihahatid ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan ng Binan sa gitna ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa pandaigdigang pamilihan.

“The City Government of Biñan is ready to work with all our [public and private] partners and stakeholders for the benefit of the entire Biñan population,” ayon kay Dimaguila at kasabay nito ay hinihikayat niya ang lahat ng opisyal at kawani ng pamahalaang lungsod na magtulungan sa paglikha ng isang pamahalaan na nagtatrabaho para sa mga tao, pinoprotektahan ang kanilang mga karapatan, at inuuna ang kanilang pangangailangan.

Pinasalamatan ng alkalde ang kanyang pamilya sa kanilang pag-unawa, at ang mga residente at mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pagsuporta sa kanyang alok bilang mayor.

Sa bukod na panayam, sinabi ni Dimaguila sa Tutubi News Magazine na sa kanyang ikatlong termino ay panatilihin niya ang 16 core agenda upang ipagpatuloy ang mga layunin na pabilisin ang pagbangon ng ekonomiya ng lungsod at pigilin ang mga banta ng urban decay ng lungsod.

Maglalaan ng mahigit na 25% ng badyet ang lungsod ng upang makapagtayo ng mas maraming paaralan at mga proyektong abot-kayang pabahay, ayon sa kanya.

“Bukod sa mga bagong paaralan, asahan rin po ninyo ang mga pabahay na may murang hulog. Hindi po ito libreng pabahay at next month, ang Villa Aguila ay iturn-over na natin. Marami po ang makikinabang dito at ang mga taga-City Hall ay magsasakripisyo, tayo ang huli. Uunahin po natin ang mga kababayan natin,” dagdap a niya.

Nakatakdang sumailalim ang mga bagong halal sa Executive-Legislative Agenda sa pagbubuo ng mga plano at direksyon sa pag-unlad ng lungsod para sa susunod na tatlong taon.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.