Lobo, Batangas. Patay ang isang dating vice mayor ng bayang ito kanina, 12 oras matapos siyang barili habang nagsasalita sa isang birthday party.
Kinilala ng hepe ng Lobo Municipal Police Station na si Captain Roy Cuevas ang biktima na si Sangguniang Bayan Secretary Romeo Sulit, 61 anyos na bisita sa isang debut party noong Huwebes ng gabi, August 11. Si Sulit ay nagsilbi bilang Lobo vice mayor mula 1998 hanggang 2010.
Ayon sa ulat, naghahatid ng kanyang mensahe si Sulit sa party ng lapitan siya ng hindi pa nakikilalang suspek mula sa likuran at pinagbabaril sa ulo bandang alas-8:05 ng gabi noong Huwebes.
Isinugod si Sulit sa Lobo District Hospital at kalaunan ay inilipat sa Batangas Medical Center kung saan ay binawian siya ng buhay pasado hatinggabi kagabi.
Ayon sa mga saksi, nakasuot ng berdeng jacket ang suspek at nakasuot ng sumbrero. Tumakas siyang naglalakad pagkatapos ng pamamaril.
Kasalukuyan pang inaalam ng pulisya ang motibo at ang pagkakakilanlan sa suspek sa likod ng pamamaslang.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.