Binata dinukot, ni-rape at ninakawan; principal pinatay, itinapon sa kalsada

0
564

LUCENA CITY. Isang 28-anyos na binata ang dinukot, inabuso at ninakawan ng tatlong lalaki sa Eco-Tourism Road, Barangay Ibabang Talim, nitong Lunes ng gabi.

Ayon sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang “Jake,” nakaparada ang kanyang kotse dakong alas-8:40 ng gabi nang biglang pasukin ng dalawang lalaki at pilitin siyang magmaneho patungo sa madilim na bahagi ng kalsada. Doon, sinalubong sila ng ikatlong suspek na umanong nagsagawa ng pang-aabuso sa biktima habang pinapanood ng dalawa pa.

Matapos ang insidente, tinangay ng mga salarin ang cellphone ng biktima na nagkakahalaga ng P45,000 at cash na P6,000 bago tumakas sakay ng motorsiklo patungo sa direksyon ng Sariaya, Quezon.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng tatlong suspek.

Male rape case

Samantala, iniimbestigahan ngayon ng mga awtoridad ang pagpatay sa isang principal ng Islamic school at Ustadz matapos matagpuan ang kanyang bangkay sa gilid ng kalsada sa bayan ng Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, nitong Lunes ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Ustadz Abu Sadid Landasan Mudeer, principal ng Madrasatul Alnor Al-Islamie sa Aleosan, North Cotabato.

Ayon kay PLt. Col. Hadji Esmael Madin, hepe ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station, natagpuan ang katawan ng biktima bandang alas-2:00 ng hapon sa Barangay Taviran. Tinuturing ng pulisya na posibleng kaso ito ng summary execution.

Batay sa imbestigasyon, huling nakita si Mudeer nitong Lunes ng umaga na sakay ng kanyang motorsiklo patungong bayan ng Carmen, Cotabato upang dumalaw sa isang kamag-anak. Nawawala rin ang kanyang motorsiklo at bag na may personal na gamit, ayon sa pamilya.

Patuloy ang masusing imbestigasyon upang matukoy ang mga responsable at ang motibo sa krimen.

Author profile
roy tumandao
Roy Tomandao

Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang  photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.