Lucena City, Quezon. Namatay ang Isang 13 taong gulang na binatilyo matapos itong sumailalim sa libreng tuli noong Linggo ng umaga sa Barangay Ilayang Iyam, Lucena City.
Kinilala ni Sgt. Wilbar Apali, imbestigador ng Lucena Police Office ang biktima na si Angelo Tolentino, grade 7 student at residente ng nabanggit na lungsod.
Ayon sa paunang imbestigasyon, sumama ang biktima sa ilang kabataan sa kanilang lugar sa isang medical mission na sponsor ng Scouts Royale Brotherhood Fraternity (SRB) na nagsagawa ng “Libreng Tuli.”
Ayon sa pahayag ni Ana Francisco Tolentino, ina ng biktima, ang pagdurugo sa pagtutuli ng bata ay hindi tumigil hanggang sa siya ay naisugod sa ospital noong Marso 21. Ngunit kinabukasan, siya ay binawian ng buhay.
Napag alaman sa ospital na isang malaking ugat ang naputol dahil sa pagkakatuli sa biktima na naging sanhi ng malubhang pagdurugo.
Namatay ang biktima makalipas ang 24 oras. Batay sa death certificate ng biktima, naubusan ito ng dugo at namatay.
Samantala, sinabi ni Public Attorney’s Office (PAO) Chief Persida Acosta na papanagutin nila ang nagsagawa ng medical mission at ang ospital dahil sa kapabayaan ng mga ito.
Posibleng nagkaroon ng malpractice at kapabayaan sa sinapit ng bata. Sinabi niya na ang mga nasa likod ng libreng tuli ay hindi man lang nasuri ang kalagayan ng biktima. Dapat din aniyang magsilbing aral ang insidenteng ito sa mga magsasagawa ng medical mission na dapat magkaroon ng screening sa mga pasyente bago isagawa ang mga surgical procedure, ayon kay Acosta.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.