Binawi ng DOJ ang Dengvaxia cases laban kina Garin, 2 iba pa

0
134

MAYNILA. Inatras na ng Department of Justice (DOJ) ang mga kasong isinampa laban kay dating Department of Health (DOH) Secretary Janette Garin at dalawang iba pang opisyal kaugnay ng kontrobersiyal na Dengvaxia vaccine.

Sa resolusyong pirmado ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla noong Enero 10, 2025, iniutos ang pag-withdraw ng 98 counts ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban kina Garin, Dr. Gerardo Bayugo, at Dr. Ma. Joyce Ducusin sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).

Ayon kay Remulla, matapos ang masusing pagsusuri sa mga dokumento, wala silang nakitang prima facie case o sapat na basehan para sa kasong may “reasonable certainty of conviction” laban sa mga respondent.

“Walang Malisyosong Intensiyon”
Ipinahayag din sa resolusyon na walang malisyosong intensiyon ang mga nasasakdal at hindi rin sila maaring panagutin sa umano’y pagsasabwatan.
“In the scheme of things that transpired involving Dengvaxia, we found that the step-by-step procedures undertaken by respondents-appellants, leading to the implementation of the program, do not exhibit inexcusable lack of precaution to hold them liable for reckless imprudence resulting to homicide,” ayon sa resolusyon.

Sinabi rin ng DOJ na ang mga opisyal ay may sapat na batayan para umasa sa Certificate of Product Registration (CPR) na inisyu ng Food and Drug Administration (FDA) para sa Dengvaxia, kabilang na ang resulta ng mga clinical trials.

Dagdag pa nito, “Plus, before the Dengvaxia was purchased and distributed, a rigorous bidding process in accordance with existing laws for its procurement was undertaken by the concerned parties.”

Walang Koneksyon ang Bakuna sa Mga Kaso ng Pagkamatay
Inihayag din ng DOJ na wala silang nakitang direktang kaugnayan sa pagitan ng pagbabakuna ng Dengvaxia at sa pagkamatay ng mga mag-aaral na iniulat sa mga complaint-affidavit.
“Rigorous scientific studies conducted by the World Health Organization and other respected experts clearly point to a contrary conclusion that there is causal link between them,” dagdag pa ni Remulla.

Mga Biktima, Nananawagan ng Hustisya
Samantala, dumagsa sa DOJ ang mga kaanak ng mga biktima, kasama ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), upang apela­han ang naturang resolusyon.

Patuloy na nananawagan ang mga pamilya ng hustisya para sa mga biktima ng kontrobersiyal na bakuna.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.