Binigyan ng P529.6B budget ang DPWH para sa 2026, matapos tanggalin ang over pricing

0
284

MAYNILA — Inaprubahan ng bicameral conference committee o bicam madaling-araw ng Huwebes ang P529.6 billion budget para sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa fiscal year 2026, matapos makamit ang P20.7 billion na savings mula sa pagbabawas ng overpriced construction materials sa mga government infrastructure projects.

Natapos ang pag-apruba matapos ang apat na araw na masinsinang deliberasyon ng bicam sa panukalang P6.793-trillion national budget para sa 2026.

Ayon kay Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate committee on finance, nagmula ang savings sa paggamit ng Construction Materials Price Data (CMPD) na isinumite ni DPWH Secretary Vince Dizon at ipinatupad sa humigit-kumulang 10,000 proyekto.

“Base doon sa submission ng DPWH, sa bagong submission nila, na dito sa bagong adjustment factor, pinasok na nila ang logistics, pinasok na nila ang hauling cost at iba pang maging cost, so naging mas near actual, hindi pa actual, but near actual na ang cost nila,” pahayag ni Gatchalian.

“Ang resulta ng savings na nakuha natin ay P20.7 billion. So confident akong sabihin na wala nang overpriced na materyales sa loob nitong budget na ito,” dagdag pa niya.

Sa kabuuang P20.7 billion savings, inirealign ng bicam ang P16.52 billion para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), habang P4.25 billion ang inilipat sa National Disaster Risk Reduction and Management Fund.

Nauna nang umapela ang DPWH sa Senado na ibalik ang mga pondong ibinawas sa panukalang 2026 budget ng ahensiya matapos ang reductions batay sa CMPD.

Sinabi naman ni House Committee on Appropriations chairperson at Nueva Ecija Rep. Mikaela Angela Suansing na nagawa ng bicam na malaki ang ibawas sa DPWH budget, mahigit P300 billion mula sa 2026 National Expenditure Program (NEP), o P94 billion mula sa House-approved General Appropriations Bill (GAB).

“Wala po kaming kina-cut na hindi namin pinapaalam sa mga ahensya. I think that’s usually the main point of contention. We also don’t put in items in the budget of the respective agencies without the approval of the head of agency,” ayon kay Suansing sa isang ambush interview.

Sa final reading ng Senado, ibinaba ang panukalang 2026 budget ng DPWH sa P570.48 billion mula sa P624.48 billion sa ilalim ng GAB.

Una nang humiling ang DPWH ng P881.31 billion budget sa ilalim ng NEP, ngunit ito ay nabawasan matapos alisin ang locally funded flood control projects kasunod ng mga rebelasyon tungkol sa substandard o ghost projects.

Tiniyak naman ni Gatchalian na “acceptable” ang mga budget cut para kay DPWH Secretary Vince Dizon dahil nanatiling bukas ang komunikasyon ng bicam sa Executive.

“In fact, may mga letters sila. Nagpapadala rin sila ng mga data para mapagaralan namin,” ayon sa senador.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.