BIR: Online sellers, sisingilin ng 1 porsyentong buwis simula sa Disyembre

0
418

Sa mga nagtitinda online, maaaring mapatawan na ng 1 porsyento na withholding tax ang kanilang kita simula sa darating na buwan ng Disyembre, ayon sa plano ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ayon kay BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr., kasalukuyang isinasapinal ang patakaran para sa pagpapatupad ng 1 porsyento na withholding tax sa kalahati ng gross remittances ng mga nagtitinda sa online platforms.

Ang withholding tax ay bahagi ng buwis na kinakaltas sa kita ng negosyo at isinusumite sa gobyerno.

“Ang target namin ay sana, maipatupad ito sa Disyembre… o sa pinaka-late ay Enero ng 2024,” sabi ni Lumagui.

Inilinaw ni Lumagui na para maging epektibo ang pagkolekta ng withholding tax mula sa online sellers, kinakailangan na ang operator ng online platforms o marketplaces ay rehistrado sa BIR bago ma-accredit sa kanilang mga platforms.

Binigyang-diin ni Lumagui na ang hakbang na ito ay ginagawa upang maitama ang proseso ng buwis, gaya ng ginagawa ng traditional businesses na nagbabayad ng withholding tax.

“Hopefully, we will get an estimate of the entire universe of online transactions,” dagdag pa ni Lumagui.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.