Buenavista, Quezon. Pinatay sa sakal at itinapon sa minahan ng kanyang manugang ang isang 50 anyos na biyenan dahil sa pakikialam sa away mag asawa sa insidenteng naganap sa Sitio Mangga, Brgy. Cadlit, sa bayang ito.
Ang biktima ay kinilalang si Anastacia Buenafe y Mejaro, isang residente ng Sitio Taluto, Brgy. Cadlit.
Sa pangunguna ng mga pulis ng Buenavista Municipal Police Station, agad namang nahuli sa isang follow-uo operation ang suspek na si Deymar Abrincillo y Loresca, 38 anyos, isang minero at residente rin ng naturang lugar.
Ayon kay P/SMS Warren Canuel, ang opisyal na nangasiwa sa kaso, inamin ng suspek na sinakal niya ang kanyang biyenan gamit ang isang lubid sa kabundukan ng Sitio Mangga, bandang alas-2:00 ng hapon, habang naglalakad ang biktima patungo sa lugar upang magpakain ng mga alagang hayop.
Kinumpirma ng pulisya na ang panghihimasok ng biktima sa hidwaan ng mag-asawa ang naging motibo ng suspek sa pagpatay.
Nakakulong ngayon sa Buenavista municipal jail ang suspek ay nakatakdang humarap kasong murder.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.