BOC nagpaliwanag sa online na pagbebenta ng Balikbayan boxes

0
510

Ipinaliwanag ng Bureau of Customs (BOC) na ang naiulat na pagbebenta ng balikbayan boxes online ay sakop ng isang service agreement kung saan kabilang dito ang mismong nagpadala.

Ang naturang pahayag ay sinabi ni BOC acting deputy commissioner Michael Fermin matapos lumabas ang paunang resulta ng kanilang isinagawang imbestigasyon.

‘Yun pong mismong pinapakita ay kahon mula sa kumpanya ng Golden Express International Cargo, ito po ay binenta sa ilalim po ng service agreement ng mga senders. Ito po kasi ay parang promo. Sa initial report po, lumilitaw po na ito ay promo na ship now, pay later,” ayon kay Fermin.

“So ibig sabihin, nagbabayad lang po sila ng downpayment abroad at pagdating po dito, kailangan nilang bayaran ‘yung balanse upon delivery po,” dagdag pa ng opisyal.

Ayon sa kasunduan, sinabi ni Fermin kung hindi mabayaran ng mga nagpadala ang halaga ng shipment at mobilization sa loob ng dalawang buwan, papayagan nila ang kumpanya na i-liquidate ang mga balikbayan box.

Nagsagawa ng imbestigasyon ang BOC matapos mag-viral ang isang video sa social media ng isang content creator na nagsasabing bumili siya ng care package sa halagang P5,000.

Iginiit ni Fermin na wala na sa hurisdiksyon ng ahensya ang mga balikbayan box dahil nailabas na ito sa mga bodega ng BOC. Aniya, maaari nilang i-subpoena ang kumpanya at iba pang indibidwal.

Ayon sa deputy commissioner, maaaring kasuhan ng estafa ang mga taong mapapatunayang nagbebenta ng mga balikbayan box na hindi nila pag-aari.

Kaugnay nito, tahasang itinanggi ni Fermin ang mga pahayag na ang mga overseas Filipino worker (OFW) na may nawawalang balikbayan box ay kailangang magbayad ng P18,000 hanggang P20,000 upang mahanap ang kanilang mga parcels.

“Nananawagan po kami na wag po silang bastang maniwala. Nagkalat po ang mga scam, nagpapakilala na empleyado ng BOC at kailangan magbayad. Kailanman po, hindi po mag sisingil ang BOC, lalo na po over the phone,” ani Fermin.

Aniya, ang mga transaksyon na kinasasangkutan ng kawanihan ay ginagawa sa pamamagitan ng mga bangko at hindi sa pamamagitan ng mga empleyado.

Nanawagan din si Fermin sa mga biktima ng naturang insidente na makipag-ugnayan sa BOC para sa imbestigasyon sa pamamagitan ng hotline number ng bureau na 8705-6000 o mag-email sa kanila sa boc.cares@customs.gov.ph.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.