BOC-Port of Subic, magsusubasta ng asukal na nagkakahalaga ng P35-M sa Disyembre 1

0
219

Nakatakdang ibenta ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Subic sa pamamagitan ng public auction ang 19 container ng refined at white sugar na may pinagsamang floor price na PHP35.39 milyon.

Sa isang social media post, sinabi ng BOC sa isang notice na isasagawa ang pagbubukas ng mga selyadong bid sa Building 306, BOC-Port of Subic Canal Road, Subic Bay Freeport Zone (SBFZ), sa Lungsod ng Olongapo alas-2 ng hapon sa Disyembre 1.

Sinabi nito na ang public viewing ng merchandise na nagkakahalaga ng PhP35,399,700 ay magiging bukas sa lahat ng qualified bidders sa New Container Terminal, SBFZ sa Nobyembre 28-29.

Ang mga item na isusubasta ay ang “9X20” at “5X20” Cristalla Supreme Refined Sugar na may floor price na PhP16,592,800 at PhP9,224,600, ayon sa pagkakasunod. Dumating ang mga asukal sa bansa noong Nob. 22, 2021 at Nob. 27, 2021, ayon sa pagkakasunod.

Binanggit ng BOC na ang mga bidder ay kailangang mga sugar trader na nakarehistro sa Sugar Regulatory Administration. Kailangan din nilang magbayad ng non-refundable na halaga na PHP5,050 bilang registration fee.

“In the event of failed bidding, the second auction date shall be on Dec. 2, 2022 pursuant to CAO-10-2007,” dagdag nito.

Para sa karagdagang mga katanungan, ang mga interesadong bidder ay maaaring tumawag sa Office of the District Collector ng Port of Subic sa (047)-252-3534. 

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.