Calamba City, Laguna. Nalambat ng mga awtoridad ang kilabot na sindikato ng bolt cutter gang sa kanilang hideout sa kahabaan ng highway 2000, Brgy. Sta. Ana, Taytay Rizal, kagabi.
Kinilala ng pulisya ang mga suspect na sina, Jhostin Bernal Pallarca, ang pinaniniwalaang lider ng grupo; Kurt Angelus Hernandez Yuson; Imon Dayuho; at dalawang menor de edad.
Ayon sa report na isinumite ni Police Col. Benedict Baccay, director ng Rizal Provincial Police Office (PPO) kay Police Brig. General Jose Melencio Nartatez, regional director ng Police Regional Office Calabarzon, ang nadakip na grupo ay sumailalim sa isang masusing monitoring at surveillance makaraang maisagawa ng mga ito ang mga insidente ng robbery hold up, carnapping at akyat bahay sa mga bayan sa Rizal at NCR.
Ayon pa rin kay Col. Baccay, isang manhunt operation ang isinagawa ng Rizal police Intelligence unit, Regional Special Operation Unit (RSOU), at Regional Intelligence Division 4A na nagresulta sa pagdakip sa mga miyembro ng kilabot na sindikato.
Nakumpiska sa kanila ng raiding team ang dalawang baril na .45, dalawang.38, mga bala, dalawang hand grenade, isang heavy duty bolt cutter, at 6 na hinihinalang mga nakaw na motorsiklo.
Ang mga suspect ay nasa ngayon kustodiya ng Rizal PPO.
Arman B. Cambe
Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.