Bomb threat sa PUP-Laguna, nagresulta sa kanselasyon ng mga exams

0
283

SAN PEDRO CITY, Laguna. Nagdulot ng pagkabahala sa Polytechnic University of the Philippines-San Pedro (PUP-San Pedro) ang isang bomb threat na iniulat noong Biyernes, na nagresulta sa pansamantalang pagkansela ng mga eksaminasyon ng mga estudyante.

Ayon kay Lt. Col. Jaime Federico Jr., hepe ng San Pedro Police, ang bomb threat na ipinadala sa email address na dathu.datubuana@gmail.com at itinuring na mula sa opisyal na email address ng PUP San Pedro Student Council (csc.pupspc1@gmail.com), ay pananakot lamang. Matapos ang tatlong oras na paghahanap sa buong campus ng Explosive Ordinance Division (EOD) at mga lokal na awtoridad kasama ang K9 dogs, idineklara ng mga operatiba na walang bomba sa lugar.

“It’s a prank or false. May schedule noong July 19 to Aug. 10 for examination of the students. We suspected that there is someone or somebody who wants to postpone the examination,” ayon kay Federico.

Ang banta ng bomba ay unang iniulat ni Johncel Tawat, 28, isang propesor, noong Biyernes ng alas-6:30 ng gabi. Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang mga imbestigador sa anti-cyber crime unit 4A upang matukoy ang pinagmulan ng bomb threat.


Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.