MAYNILA — Naglabas ang Sandiganbayan Third Division ng warrant of arrest at hold departure order (HDO) laban kay dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. at anim pang indibidwal na nahaharap sa kasong malversation kaugnay ng umano’y P92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan.
Kinumpirma ng korte na boluntaryong sumuko si Revilla noong Lunes ng gabi sa Camp Crame, Quezon City, at kasalukuyang nasa kustodiya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) habang inaasikaso ang kaukulang proseso ng korte.
Ayon kay Atty. Dennis Pulma, Clerk of Court ng Sandiganbayan Third Division, mayroong probable cause para isyuhan ng mga utos ng korte ang mga akusado.
“May findings of probable cause. Ang warrants of arrest at hold departure orders ay na-isyu na ng korte,” ani Pulma. “Ang electronic warrant ay naipadala na sa CIDG, NBI, at BI.”
Batay sa kopya ng warrant at HDO na nakuha ng mga mamamahayag, inisyu ng anti-graft court ang warrant noong Enero 19. Nakasaad sa kautusan ng korte na:
“After a careful review of the resolution and its supporting documents, as well as the records, the court finds that probable cause exists in this case, pursuant to Section 5, Rule 112 of the Revised Rules of Criminal Procedure. Accordingly, let warrants of arrest be issued against accused Ramon Bautista Bong Revilla, Jr., a.k.a. Ramon ‘Bong’ Bautista Revilla, Jr., Brice Ericson Diaz Hernandez, Arjay Salvador Domasig, Jayce De Leon Mendoza, Emelita Capistrano Juat, Juanito Coronel Mendoza and Christina Mae Del Rosario Pineda.”
Dagdag pa sa HDO:
“This Court… hereby orders the Commissioner of the Bureau of Immigration to hold the departure from the Philippines of the above-named accused and to include the names of said accused in the Hold Departure List of said bureau.”
Kasama sa mga respondent sa kaso ang:
- Brice Hernandez, dating assistant district engineer, DPWH Bulacan First District Engineering Office (DEO)
- Jayce Mendoza, dating engineer, DPWH Bulacan First DEO
- Arjay Domasig, dating engineer, DPWH Bulacan First DEO
- Emelita Juat, dating engineer, DPWH Bulacan First DEO
- Juanito Mendoza, dating finance section chief, DPWH Bulacan First DEO
- Christina Pineda, cashier, DPWH Bulacan First DEO
Sa kabila ng pagsuko ni Revilla sa Camp Crame, wala pa ring opisyal na pahayag ang kanyang kampo kaugnay ng mga paratang. Patuloy namang inaasahan ang susunod na mga hakbang ng Sandiganbayan, kabilang ang pagdinig sa piyansa at pagtakda ng mga susunod na petsa ng paglilitis.

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






