Covid-19 booster shot, pamaskong regalo para sa lahat

0
606

Simula na ng pagbibigay ng Covid-19 booster shot sa bansa. Abala na ang Department of Health at ang mga lokal na health offices sa kampanya na magpa booster shot ang lahat.

Parang itong pamaskong laruan na pop fidget toy.  Lahat ay gustong magkaroon. Sa dami ng gustong mag access sa online registration ay nagkaka technical difficulties ang online portal. Nagkukumahog ang mayorya ng populasyon sa pagpaparehistro. Lahat ay gustong mauna.

Pagkatapos nito, malalaos na parang Hello Kitty ang booster shot. Lalangawin na naman ang mga vaccination sites. Maiiwan na naman ang 36% na ayaw magpabakuna. Ayon sa survey na ginawa ng SWS ngayong  Nobyembre 2021, 64% lang ng Pilipino ang gustong magpabakuna.

Kasunod nito ay makikiusap ang mga health at public officials.”Parang awa nyo na po, magpa booster shot na kayo.” Pero tila walang uri ng pakiusap ang makakatinag sa kanila. Kahit may raffle prize na cash at bigas, ayaw pa rin ng iba.

Hanggang ngayon ay isa isa pang hinahabol ng mga health workers ang mga ayaw magpabakuna. Bukod pa dito ang mga misteryosong hindi na kumuha ng second shot.

Malapit na ang Pasko. Magiging abala tayo sa pagbili ng mga regalo at pagdalo sa mga Christmas party. Panahon din ito upang magbalik-tanaw tayo sa nakaraan. Noong panahon na nakikipaglaban tayo sa Covid-19 habang umaatake ito ng walang awa. Alalahanin natin ang mga kaanak, kaibigan, kapitbahay at kaopisina na namatay ng nag iisa sa mga ospital at quarantine facilities. Huwag nating kalimutan kung paano pinabagsak ng malupit na pandemya ang global economy na nagresulta sa pinakamalubhang recession mula noong World War ll.

Kaya ilagay natin ang booster shot sa holiday wish list natin. Libre ito – pamaskong regalo para sa lahat.

Author profile
Tutubi News Magazine Team

The Tutubi News Magazine Team of Editors.