Silang, Cavite. Arestado ang isang 54-anyos na British National sa inilunsad na manhunt operation ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Cavite.
Kinilala ni CIDG4A Regional Chief Col. Marlon Santos ang suspek na si Wayne Gale, 54 anyos, may asawa, at residente ng Block 23, Lot 1, Okayama St., Mandara Subd., Barangay Tartaria, Silang, Cavite.
Siya ay inaresto sa Parañaque City Hall, Parañaque City, Metro Manila sa bisa ng Warrant of Arrest para sa 4 counts na Paglabag sa Sec 5 ng RA 7610 (Anti- Child Abuse Act of 1991) sa ilalim ng CC Nos. TG-22-278 (AS) sa TG-22-281 (AS) na inisyu ni Hon. Raquel Ventura Aspiras-Sanchez, Presiding Judge ng Family Court, Branch 3, Tagaytay City, Cavite na may petsang Abril 11, 2022 na may kabuuang piyansang P800,000.00
Ayon kay Margaret Badal Boongaling, ina ng biktima, 16 taong gulang pa lamang ang kanyang anak ng mangyari ang insidente. Ang menor de edad na biktima ay nakatira noon sa bahay ng kapatid niyang babae na live-in partner ni Gale.
Diumano ay napaniwala ang menor de edad sa pangako ng banyaga na pakakasalan siya nito at dadalin sa England. Ang kanilang relasyon ay hindi nakaabotsa kaalaman ng ate ng biktima, hanggang noong Setyembre 20, 2021, inaya ng suspek ang biktima na sumakay sa isang joyride at bandang alas-7 ng umaga ay ipinarada ng suspek ang kanyang sasakyan sa isang liblib na lugar ng subdivision at nagawa niyang hikayatin ang menor de edad na biktima na makipagtalik sa kanya. Ang carnal act ay sinundan pa ng limang insidente gamit ang sasakyan ng suspek.
Nagtamo ang biktima ng psychological trauma mula sa insidente kung saan nagkaroon siya ng suicidal ideation, batay sa psychiatric evaluation na ginawa ng Philippine General Hospital Child Protection Unit.
Nakalista rin si Gale bilang No. 1 Provincial Most Wanted Person ng Cavite.
Tinitiyak ng CIDG na sa pamamagitan ng pinaigting nitong mga kampanya laban sa kriminalidad, lahat ng biktima ng kahalayan ay makakatanggap ng hustisya at ang mahabang kamay ng batas ay makakarating sa mga lumalabag saan man sila naroroon, at anuman ang kanilang katayuan o lahi.
Roy Tomandao
Si Roy Tumandao ay kasalukuyang pangulo ng Camp Vicente Lim Press Corps. Nagsimula siya sa larangan ng media noong 1992 at aktibo bilang photo journalist at news correspondent para sa iba’t ibang tabloid. Broadcaster siya ng DZJV 1458 Radyo Calabarzon.