Bulacan Church bumigay: 1 patay, 52 sugatan

0
268

SAN JOSE DEL MONTE CITY. Bumagsak ang ikalawanag palapag ng St. Peter the Apostle Church sa Brgy. Tungkong Mangga, San Jose del Monte City sa Bulacan habang ipinagdiriwang ang Day of Ashes kahapon. Ayon sa mga ulat, isang senior citizen ang namatay habang 52 naman ang nasugatan.

Kinilala ang nasawi na si Luneta Morales, 80 anyos. Dinala ang mga sugatan sa iba’t ibang ospital kabilang ang Ospital ng Lungsod ng San Jose del Monte, Tala Hospital, Brigino General Hospital, Skyline Hospital, Labrpo Diagnostic Center, at Grace General Hospital.

Agad na rumesponde ang mga tauhan ng City Disaster Risk Reduction and Management Council, kasama ang San Jose del Monte City Police Station, Bureau of Fire Protection, City Engineering Office, City Traffic Management – Sidewalk Clearing Operations Group, City Health Office, at City Disaster Risk Reduction Management Office.

Ayon kay Gina Ayson, hepe ng City Disaster Risk Reduction Management Office ng CSJDM, nangyari ang insidente bandang 8:30 ng umaga sa ikalawang palapag ng simbahan kung saan dumagsa ang mga deboto na nagpapahid ng abo sa noo. Hindi kinaya ng ikalawang palapag ng simbahan na gawa sa kahoy ang bigat ng mga tao dahil marami ang dumalo sa misa.

Dahil dito, pansamantalang ipinasara ang simbahan at sasailalim ito sa inspeksiyon ng city building official. Kailangan munang magkaroon ng clearance mula sa engineering office at building official bago ito muling magamit.

Tiniyak naman ni Mayor Arthur B. Robes na sasagutin ng lokal na pamahalaan ang lahat ng gastusin para sa pagpapagamot ng mga nasugatan sa insidente.

Napag alaman naman sa kura paroko ng simbahan na si Father Romulo Perez, inaanay na ang mga materyales na kahoy ng bumagsak na palapag, at hindi ito nakayanan ang dami ng dumalo sa misa. Isa rin sa tinitignang dahilan ng sakuna ang sobrang bigat na dinala ng estruktura bunga ng overloading.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.