Bulkang Mayon, itinaas sa Alert Level 2

0
269

LEGAZPI CITY, ALbay. Itinaas ang alert level status ng bulkang Mayon ngayong araw ng Lunes, Hunyo 6, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).

Mula sa Level 1, ito ay itinaas sa Level 2 o tinatawag na “increasing unrest.”

Sa abiso ng PHIVOLCS, ipinahayag na ang kasalukuyang pag aalburuto ay sanhi ng malalim na proseso ng magma na maaaring humantong sa mga phreatic eruption o maaring maging paunang palatandaan ng mapanganib ng pagputok ng magma.

Mula Hunyo 4 hanggang Hunyo 5, napansin ang pagtaas at pagdami ng mga rockfall events sa bulkan. Mula sa karaniwang average na limang insidente kada araw, umabot ito sa 49 insidente.

Batay sa ulat ng PHIVOLCS, umabot na sa 318 ang bilang ng mga rockfall events na naitala ng Mayon Volcano Network mula Abril 1, 2023. Bukod dito, mayroon ding 26 na pagyanig na naitala sa parehong panahon.

Dahil dito, nagpapahayag ang ahensya ng babala sa publiko na manatiling handa at iwasan ang pagpunta sa Permanent Danger Zone (PDZ) ng bulkan na may radius na anim na kilometro. Ito ay upang maiwasan ang panganib mula sa biglang pagsabog, rockfall, o pagguho ng lupa.

Ayon sa PHIVOLCS, sa mga pagkakataon ng ash fall na maaaring makaapekto sa mga komunidad sa ibaba ng crater ng Mayon, inirerekomenda nila na takpan ng mga tao ang kanilang ilong at bibig gamit ang basang malinis na tela o dust mask.

Kasabay nito, nagbabala rin ang PHIVOLCS sa Civil Aviation Authority of the Philippines na ipagbawal ang mga eroplano na lumipad sa ibabaw ng bunganga ng bulkang Mayon dahil maaaring magdulot ito ng malubhang pinsala sa mga sasakyang panghimpapawid dahil sa abo na ibinubuga ng bulkan.

Sa kasalukuyan, patuloy na binabantayan ng PHIVOLCS ang mga aktibidad ng Mayon upang masigurong ligtas ang publiko sa anumang panganib na maaaring magresulta mula dito.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.