Bumaba ang trust at approval rating ni Pangulong Marcos Jr. ayon sa survey

0
201

Nagpakita ang isinagawang survey ng Publicus Asia na may pagbaba sa trust at approval rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang administrasyon, ayon sa resulta ng ikatlong bahagi ng taong 2023.

Sa Pahayag 2023 Third Quarter survey, lumabas na bumaba ang approval rating ni Pangulong Marcos mula sa 62% noong ikalawang bahagi ng taon, at naging 55% sa kasalukuyang survey. Gayundin, bumaba ang kanyang trust rating mula sa 54% noong ikalawang quarter at naging 47%.

Ang pagbaba ng trust at approval ratings ay idinadahilan sa paghina ng ekonomiya at mabilis na pagtaas ng presyo ng langis at iba’t ibang pangunahing bilihin.

Ang survey na ito ay isinagawa mula Setyembre 7 hanggang Setyembre 12.

Ayon sa non-commissioned PUBLiCUS Asia survey, “The survey shows significant drops in the approval rating of President Ferdinand Marcos Jr., with a decrease from 62% to 55% in PQ3 [PAHAYAG Third Quarter] compared to PQ2, and a trust rating decline from 54% to 47% in the same period.”

Nakita rin na ang pag-appoint ni Pangulong Marcos sa kanyang sarili bilang secretary ng Department of Agriculture (DA) ay hindi masyadong maganda ang pagtanggap, dahil bumaba ang approval rating mula 57% noong Q2 ng 2023 at naging 53% sa Q3.

Sa kabilang dako, bumaba rin ang approval rating ni Vice-President Sara Duterte mula 67% dati at naging 62%, kasama na ang kanyang trust rating mula 61% at naging 55%.

Subalit, nasa kategoryang “very high” pa rin ang trust rating nina Pangulong Marcos at VP Sara sa ikatlong quarter ng taon.

Sinundan ng survey ang pagbaba sa approval rating ng mga miyembro ng gabinete ng Pangulo mula 60% noong Q2 at naging 53% sa Q3.

Kasama sa nasabing survey ang pagbaba sa approval rating ng liderato ng Senado, Kongreso, at Hudikatura.

Nagbawas din ng limang puntos ang approval rating ni Senate President Juan Miguel Zubiri mula 48% at naging 43%, at ang kanyang trust rating ay nabawasan ng apat na puntos mula 37% at naging 33%.

Bumaba naman ng anim na puntos ang approval rating ng House Speaker Ferdinand Martin Romualdez mula 42% at naging 37%, at ang trust rating niya ay bahagyang bumaba ng tatlong puntos mula 32% at naging 29%.

Ito ay kasunod ng pagbagal ng ekonomiya ng Pilipinas na umabot sa 4.3% noong ikalawang quarter (Q2) ng 2023, mula sa 6.4% noong Q1 2023, at 7.5% noong Q2 2022, ayon sa survey.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.