Bumoto ng tama. Tama ang iboto

0
1888

Tapos na ang filing of candidacy. Kasado na ang mga kandidato sa May 9, 2022 elections. Mag aabang na lang tayo ng atrasan at palitan ng mga kandidatong may partido.

Bumoto ng tama. Naririnig natin ito tuwing malapit na ang eleksyon. Ang pagboto ng tama ay relative. Maaaring ang pagboto ng tama sa iyo at hindi tama para sa akin and vice versa.

Lahat ng kandidato ay nagsusubok magbenta ng sarili nila sa mga botante. Minsan, ang mga pananalita nila ay skillfully crafted at nakakaya nilang baluktutin ang katotohanan. At kahit gaano kahusay o kaingat ang isang observer ay mahihirapang magtukoy na ang mga naghahangad na ito sa puwesto ito ay nambobola at nanlalansi lamang.

Sa isang banda, puwede naman nating husgahan ang mga kandidato sa dalawang paraan. Una, batay sa kanilang tindig sa mga isyu. Pangalawa, batay sa uri ng kanilang liderato at karanasan.

Kung batay sa isyu, tiyakin kung anong lokal, panlalawigan  at pambansang problema ang nais mong matugunan. Halimbawa ay Covid-19 response, effective governance o climate change.

Sa pagkilatis sa uri ng kakayahan sa pamumuno, itanong muna natin sa ating sarili kung ano sa palagay natin ang mga katangian ng epektibong halal na pinuno. Ang hanap mo ba ay matalino, matapat, mapagkumbaba, mahusay makipag usap, makatao. Ano pa?

Kilalanin natin ang mga kandidato. Mangalap tayo ng mga babasahin tungkol sa kanila. I google natin sila. Silipin natin kung paano sila tinitingnan ng mga tao. Makitsika tayo ngunit huwag nating kakalimutan ang sarili nating obserbasyon. Alamin natin kung sino sa kanila ang nagtataglay ng tunay na kaalaman sa mga isyung mahalaga sa iyo.

Kung malinaw na ang mga datos, pwede na tayong pumili.

At nawa ay tamang kandidato ang maiboto natin.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.