Buy-bust nauwi sa engkwentro: Pulis at tulak kritikal

0
134

BACOOR CITY, Cavite. Dalawang indibidwal ang kasalukuyang nasa ospital matapos ang isang buy-bust operation na nagresulta sa isang engkwentro sa Brgy. Zapote 2, sa lungsod na ito kahapon ng hapon.

Si Patrolman Mark Paolo Quizon, isang batang pulis na nasa Intelligence Unit ng Bacoor City Police, ay tinamaan ng dalawang bala sa kanyang dibdib at kamay. Samantala, si Alberto Cezar, isa sa mga target na drug suspect, ay nasapol ng bala sa kanyang kamay.

Ayon sa ulat mula sa opisina ni Cavite Provincial Police Office director Col. Christopher Olazo, naganap ang operasyon ng drug bust bandang alas-2:30 ng hapon. Layunin ng intelligence group ng Bacoor Police na arestuhin ang mga suspek na si Cezar at Eugene Palicpic, kilalang drug pusher sa lugar.

Nang papasok pa lamang ang grupo sa lugar, sila ay sinalubong agad ng sunud-sunod na putok mula sa mga suspek. Dahil dito, si Patrolman Quizon ay agad na tinamaan ng bala.

Bagamat sugatan, nagawa pa ni Quizon na makipagpalitan ng putok at tinamaan niya sa kamay si Cezar, ang isa sa mga suspek.

Sa kabila ng sugatang kondisyon, tumakbo si Cezar at mga kasama nito, na humantong sa ilang minuto ng habulan. Nakorner si Cezar ng mga pulis habang nakatakas naman ang kanyang kasama.

Narekober sa lugar ng engkwentro ang isang caliber.45 na may serial number 1546340, dalawang cal. 45 fired cartridge case, pitong 9mm fired cartridge case, tatlong fired deformed bullets, dalawang metallic fragment, isang transparent plastic sachet na naglalaman ng mahigit 12 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P81,600, at iba pang mga kasangkapang pang-drugs.

Author profile
Arman B. Cambe

Si Arman B. Cambe ay naging ABS-CBN news correspondent noong 1987-1989. Naging provincial correspondent ng Headline news, isang national daily tabloid at 10 taong naging Laguna broadcast correspondent ng Radio Veritas. Contributor din siya sa loob ng 5 taon sa Peoples Journal group of companies. Naging Professor ng Journalism at Broadcasting ng 15 taon sa Laguna State Polytechnic University, Sta. Cruz Campus at 5 taon na naging Teacher exchange scholar sa Don Bosco at St. Dominic Institute sa Bangkok, Thailand.