MAYNILA — Puwersahang kinuha umano ni Batangas Rep. Leandro Leviste ang mga dokumento at kopya ng mga files mula sa computer sa loob ng tanggapan ni yumaong dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral, pati na rin mula sa programming office ng ahensiya noong Setyembre, ayon sa ilang tauhan ng DPWH. Mariin namang pinabulaanan ni Leviste ang alegasyon.
Batay sa mga CCTV footage na nakuha noong hapon ng Setyembre 4, makikita si Leviste palabas ng tanggapan ni Cabral at patungo sa programming office habang kasunod niya si Cabral. May kuha rin sa footage na palabas ng programming office ang dalawa, at hawak ng mambabatas ang ilang papel habang tila nagpapaliwanag naman si Cabral.
Gayunpaman, sinabi ng ilang tauhan ng DPWH na hindi malinaw sa CCTV ang aktwal na pagkuha ng mambabatas habang nasa loob ng mga naturang tanggapan. Ayon sa isang empleyado, na tumangging magpabanggit ng pangalan, humiling si Leviste kay Cabral ng mga pangalan ng proponents o mambabatas para sa proyekto na nakalista sa General Appropriations Act (GAA) ng 2025.
Maya-maya, narinig umano ng mga tauhan ang malakas na kalabog sa loob ng tanggapan kaya’t nagtungo sila at nakita si Leviste na aktibong kumukuha ng mga dokumento. May hawak din umano itong cellphone at kinunan ng video ang lahat ng papel.
Ayon sa mga empleyado, nagkaroon pa umano ng insidente kung saan nasaktan si Cabral habang nakikipag-agawan ng dokumento kay Leviste. Maraming dugo umano sa mga dokumento at sa damit ni Cabral, samantalang tuloy-tuloy lang sa pagkuha ng video at larawan si Leviste. Sa isa pang CCTV footage, makikita si Cabral na may bandage sa kanyang kamay habang kausap ang isang tao sa telepono.
Ayon sa mga empleyado, tila naiinip si Leviste sa ini-imprentang mga dokumento at nagtungo ito sa opisina kung saan doon nag imprenta upang puwersahang kopyahin ang mga files sa computer. Dakong alas-6:00 ng gabi, umalis umano si Leviste sa DPWH noong araw na iyon.
Nagpasya ang ilang empleyado na magsalita dahil sa mga kamakailang aksyon ni Leviste. Dismayado umano sila dahil patay na si Cabral, subalit nag-iimbento pa rin umano ang mambabatas ng mga kuwento tungkol sa insidente.
Nauna dito, sinabi ni Leviste na ang mga dokumento ay iniabot sa kanya mismo ni Cabral alinsunod sa instruksiyon ni DPWH Secretary Vince Dizon. Mariin niyang itinanggi na ilegal ang pagkuha nito.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






