MAYNILA — Naniniwala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na naghahanda na si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral na isiwalat ang lahat ng nalalaman nito kaugnay ng kontrobersiyal na flood control projects bago siya pumanaw.
Ayon kay Lacson, personal na nakipag-ugnayan sa kanya si Cabral at nagpahayag ng kahandaang magbunyag ng impormasyon matapos itong idawit ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee.
Nauna nang naiulat na bago siya pumanaw noong Disyembre 18, ipinahiwatig ni Cabral na nakatakda siyang tumestigo hinggil sa Special Allotment Release Orders (SARO), kabilang ang mga dokumentong umano’y naglalaman ng detalye ng humigit-kumulang P50 bilyong halaga ng mga hindi naka-program na budget insertions sa pambansang badyet.
Sinabi ni Lacson na batay sa tinatawag niyang “file ni Cabral,” hindi bababa sa limang miyembro ng Gabinete ang may tinukoy na “allocables,” kabilang ang isang opisyal na may initial na “ES” na umano ay may P8.3 bilyong insertion. Nabanggit din na ang dating DPWH Secretary na si Manuel Bonoan ay may hindi bababa sa P30.5 bilyong alokasyon.
Dagdag pa ng senador, may ilang kalihim ng Gabinete na nakalista rin na may tig-P2 bilyong alokasyon, bukod pa sa bilyun-bilyong halaga na umano’y inilaan para sa pamunuan ng Kamara at ilang kinatawan ng party-list.
Kinuwestiyon ni Lacson kung bakit nagkaroon ng ganitong mga alokasyon ang mga kalihim ng Gabinete, at iginiit na dapat linawin ang kanilang papel sa usapin.
Ayon pa kay Lacson, posible umanong ipatawag sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee ang ilang kalihim ng Gabinete na nakapangalan sa mga dokumentong iniugnay kay Cabral.
Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.






