Camposano-Beran, unang babaeng jet fighter pilot ng PH Air Force

0
398

Isang Pinay ang kuwalipikadong sumali sa hanay ng mga elite jet fighter pilot ng bansa, ayon sa Philippine Air Force (PAF) kahapon.

Si 1st Lt. Jul Laiza Mae B. Camposano-Beran ay kwalipikadong lumipad sa labanan gamit ang SIAI-Marchetti AS-211 light jet combat aircraft, na ginagamit din ng PAF sa mga attack at surveillance mission, ayon sa tagapagsalita ng PAF na si Col. Maynard Mariano.

“The PAF made history (by) having its own, first-ever female fighter pilot on March 30, 2022 from the 5th Fighter Wing at Basa Air Base, Floridablanca, Pampanga. 1st Lt. Jul Laiza Mae B. Camposano-Beran was checked out as the first female AS-211 combat mission ready pilot and wingman,”dagdag niya.

Sinabi ni Mariano na unang lumipad ng mag-isa o nag-“solo” si Camposano-Beran sa AS-211 noong Disyembre 5, 2020.

“May (she had) 150 plus hours na siya sa (in flying the) AS-211,” ayon pa rin sa pahayag ni Mariano.

Sinabi ni Mariano na sumailalim si Camposano-Berran sa “Jet Qualification Training” at sa tinatawag na “Intro To Fighter Fundamentals and Combat Crew Training” sa AS-211, bago lumipad ng “solo”.

Ang mga pagsasanay na ito, na tumatagal ng humigit-kumulang dalawang taon, ay ginagawa upang matiyak na ang mga fighter pilot trainees tulad ni Camposano-Beran ay hindi lamang marunong magpalipad ng sasakyang panghimpapawid ngunit magbibigay-daan din sa kanila na matuto tungkol sa pakikipaglaban sa air-to-air, air-to-ground  at air-to-surface sa AS-211, dagdag niya.

“And while doing this, she was also flying with the FA-50 as a backseat pilot and (becoming) combat experience having flown in the FA-50 on an actual strike mission,” ayon sa paliwanag ni Mariano.

Sa sandaling makakuha ng mas maraming karanasan at oras ng paglipad si Camposano-Beran sa AS-211, lilipat siya sa FA-50PHs sa sandaling makuha niya ang 300 oras sa AS-211, dagdag ni Mariano.

Ang FA-50PH ay ang pangunahing jet fighter ng PAF na may bilis na Mach 1.5 at nakuha mula sa South Korea noong 2015 hanggang 2017.

Sa panahon ng kanyang training, pinalipad ni Camposano-Beran sa kanyang pagsasanay sa PAF Flying School ang propeller-driven na T-41D o ang Cessna R-172 sa pangunahing yugto ng kanyang pagsasanay kasunod ng SIAI-Marchetti SF-260MP sa Basic Phase ng kanyang military pilot training .

Sa kabuuan, nakakuha siya ng humigit-kumulang 180 na oras ng paglipad sa dalawang propeller-driven na sasakyang panghimpapawid bago nagtapos noong 2017.

Si Camposano-Beran ay tubong Tulunan, Cotabato at miyembro ng Philippine Military Academy Class of 2015.

“She became the fifth female in the Academy to receive the Athletic Saber Award over 170 members of her class,” ang pagtatapos ni Mariano.

Inihayag din ni Mariano na dalawa pang babaeng piloto ang kasalukuyang sumasailalim sa fighter pilot training.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.