Cash assistance para sa octogenarians, nonagenarians ipinamahagi sa SPC

0
235

SAN PABLO CITY, Laguna – Ipinamahagi ang cash assistance sa mga kwalipikadong senior citizen sa lungosd na ito bilang pagpapatupad ng Expanded Centenarians Act, isang batas na inakda at itinulak ni Laguna 3rd District Representative Loreto S. Amante upang palawakin ang pagkilala at tulong ng pamahalaan sa mga nakatatandang Pilipino.

Sa pangunguna ng National Commission of Senior Citizens, katuwang ang San Pablo City Office of the Senior Citizens Affairs, isinagawa sa Pamana Hall ang pamamahagi ng benepisyong pinansyal sa kabuuang 437 octogenarians at nonagenarians mula sa iba’t ibang barangay ng lungsod.

Pinamunuan ang aktibidad ng mga opisyal at kawani ng Central at Regional Offices ng NCSC at OSCA, sa pangunguna nina OSCA Head Odilon C. Aquino at Administrative Officer Josephine Velasco. Nakiisa rin ang mga kawani ng Office of the Social Welfare and Development Office sa pamumuno ni Administrative Officer V Edward Alcantara upang matiyak ang maayos at sistematikong pamamahagi ng tulong.

Bawat kwalipikadong senior citizen na umabot sa edad na 80, 85, 90, at 95 ay tumanggap ng tig P10,000. Samantala, tatlong senior citizen na umabot sa edad na 100 mula sa mga barangay ng San Mateo, Sta. Maria Magdalena, at V-B ang pinagkalooban ng tig P100,000.

Ayon kay Mayor Najie B. Gapangada, nararapat lamang na kilalanin at pasalamatan ang mahalagang ambag ng mga senior citizen sa lipunan. Aniya, patuloy nating pangangalagaan at pahahalagahan ang kapakanan ng mga nakakatanda sapagkat sila ang haligi ng kasaysayan at inspirasyon sa susunod na henerasyon.

Ang Expanded Centenarians Act, na kilala bilang Republic Act No. 11982 at nilagdaan bilang batas noong 2024, ay pinalawak ang naunang Centenarians Act of 2016. Sa ilalim ng batas na ipinasa sa pangunguna ni Cong. Amante, hindi na lamang ang mga Pilipinong umaabot sa edad na 100 ang makatatanggap ng insentibo, kundi pati ang mga senior citizen na umaabot sa edad na 80, 85, 90, at 95. Layunin ng batas na magbigay ng konkretong suporta at pagkilala sa mga nakatatanda bilang mahalagang bahagi ng pambansang kaunlaran.

Ayon sa mga opisyal, ang programa ay patunay ng patuloy na pagtutok ng pambansa at lokal na pamahalaan sa kapakanan ng mga senior citizen, na naglalayong magbigay ng konkretong tulong bilang pagkilala sa kanilang mahabang serbisyo at mahalagang ambag sa pamilya at komunidad. Inaasahang magpapatuloy ang pagpapatupad ng programa bilang bahagi ng mas pinalawak na social protection program para sa mga nakatatandang Pilipino sa mga susunod na taon.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.