CBCP: Isauli ang flood control funds; 9 contractors tinukoy ng Comelec

0
493

MAYNILA. Mariing kinondena ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ang korapsiyon sa mga flood control projects at nanawagan na maibalik sa bayan ang perang ninakaw.

Sa isang pastoral letter, iginiit ni CBCP president at Cardinal Pablo Virgilio David ang pananagutan ng mga pribadong contractor at financier, mga mambabatas, district engineers, government auditors, at political patrons na sangkot umano sa isang “multi-layered system of graft.”

Kinuwestiyon din ni David ang kredibilidad ng Senado at Kamara sa pagsisiyasat sa naturang isyu, dahil posibleng may ilan sa kanila na sangkot dito.

“Who inserted these projects into the national budget as pork, often at the expense of education, health, and social programs?,” aniya.

Binigyang-diin ng arsobispo na ang tunay na hustisya ay hindi lamang pagpaparusa sa mga nagsabwatan kundi pati na rin ang pagbabalik ng ninakaw na yaman. “It also calls for restitution: that stolen wealth be returned to the public coffers from which it was taken,” aniya.

Dagdag pa niya: “Many of those implicated will not be impoverished by such reparation, yet the nation remains poor if the funds are not restored. Retribution in this sense is not personal vengeance but the rightful act of giving back what was stolen, so that the people may finally benefit from resources meant for their welfare.”

Hinimok din niya ang mga kabataan na gamitin ang kanilang mga plataporma, lalo na sa digital space, upang ilantad ang kawalan ng hustisya, magbahagi ng katotohanan, at manawagan ng reporma. “Make corruption shameful again,” aniya.

Nanawagan din si David sa mga lider ng pamahalaan, negosyo, at simbahan na mamuhay nang may integridad at iwasan ang labis na pagmamalabis. “Let us rise above the floods of corruption together,” dagdag niya.

Samantala, kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) na may natukoy pa silang siyam na contractors na nagbigay ng kontribusyon sa kampanya ng ilang kandidato noong 2022 elections.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, nagbigay ang mga ito ng donasyon sa mga senador, kongresista, gayundin sa mga political party at party-list group. Isa umanong contractor ang nagbigay sa dalawa o tatlong kandidato, habang may isang kandidato namang nakatanggap ng pondo mula sa tatlong construction company.

Nauna nang sinabi ni Garcia na 31 contractors ang una nang natukoy na nagbigay ng campaign donations sa 2022 elections.

Isinumite na ng Comelec sa House Committee on Appropriations ang listahan ng mga contractors na posibleng nagbigay ng donasyon sa mga kandidato.

Author profile

Si Venus L Peñaflor ay naging editor-in-chief ng Newsworld, isang lokal na pahayagan ng Laguna. Publisher din siya ng Daystar Gazette at Tutubi News Magazine. Siya ay isa ring pintor at doll face designer ng Ninay Dolls, ang unang Manikang Pilipino. Kasali siya sa DesignCrowd sa rank na #305 sa 640,000 graphic designers sa buong daigdig. Kasama din siya sa unang Local TV Broadcast sa Laguna na Beyond Manila. Aktibong kasapi siya ng San Pablo Jaycees Senate bilang isang JCI Senator.